LUNGSOD NG CABANATUAN (PIA) -- Nasa 10 transaksyon o aplikasyon ang maaaring ipasa sa pamamagitan ng online services ng Social Security System o SSS.
Ayon kay SSS Cabanatuan Branch Head Jose Rizal Tarun, para sa kapakanan ng mga miyembro ay nagsagawa ng pagbabago ang ahensiya hinggil sa mga kinagawiang pagpapasa ng aplikasyon o mga transaksiyon, na ngayon ay maaaring gawin kahit hindi personal na magtungo sa opisina.
Aniya, layunin nitong mas maging simple, mapadali, at mapabilis ang mga transaksiyon sa SSS gamit ang My.SSS account gayundin ay bilang pagsunod sa Ease of Doing Business and Efficient Delivery of Government Services Act.
Kabilang sa mga maaaring ipasa online ay ang aplikasyon para sa pagkuha ng SS number, salary loan, calamity loan, sickness claim, funeral claim, unemployment benefit claim, retirement claim, pagpapasa ng employment report ng mga kumpanya para sa mga bagong kawani gayundin ang sickness at maternity notification.
Ang lahat ng mga miyembro ng SSS gaya ng mga employer, empleyado, self-employed, voluntary, non-working spouse at Overseas Filipino Workers o OFW ay maaaring gumawa ng sariling account sa My.SSS.
Pahayag ni Tarun, kailangan lamang mag-log sa www.sss.gov.ph pagkatapos ay piliin ang kategorya sa online registration na aangkop sa pagiging miyembro ng SSS at sagutan ang mga hinihinging personal na impormasyon kasama na ang SS number, email address at iba pa.
Hintayin lamang ang notification mula sa SSS na matatanggap sa email address na inenroll sa online registration.
Pang-unawa ang hiling ni Tarun sa mga miyembro na hindi agad makatatanggap ng notification dahil depende sa dami ng mga nagpapasa ng aplikasyon kung agad na matatanggap ang abiso na tagumpay ang pagpaparehistro.
Ang inirehistrong username at password ay maaari ding magamit sa mobile application ng SSS na maaaring i-download sa mga mobile phone.
Ayon pa kay Tarun, bukod sa pagpapasa ng mga aplikasyon para makuha ang mga benepisyo ng mga miyembro ay maaari ding gamitin ang online account upang malaman ang personal record at contribution ng mga miyembro.
Kaya’t ang kaniyang panawagan sa lahat ng mga SSS member ay huwag ibigay kahit kanino ang mga personal na impormasyon lalo na ang SS number, username at password sa My.SSS upang maiwasang manakaw o makuha ng iba ang mga benepisyong inipon sa SSS.
Sa mga interesado ngunit hirap sa paggawa ng sariling account sa My.SSS ay maaaring magtungo sa pinaka-malapit na sangay ng tanggapan na mayroong e-center upang matulungan sa paggawa ng account.
Ibinalita din ni Tarun na sa Cabanatuan Branch ay ipinaiiral pa din ang number code sa pagtanggap ng mga transaksiyon upang maiwasan ang pagdagsa ng mga kliyente sa araw-araw gayundin ay mayroong special lane para sa mga buntis at senior citizen upang mabawasan ang oras ng kanilang exposure sa pagpila at paglabas ng tahanan.
Kaniyang panawagan ay tangkilikin ang online services ng tanggapan upang maprotektahan ang sariling kalusugan mula sa mga pagbyahe at pagpila sa opisina lalo ngayong nananatili pa din ang pandemiyang dulot ng COVID-19. (CLJD/CCN-PIA 3)