No. of :

No. of Shares:

Currently viewed by: Marcus Rosit

Cabanatuan, sapat ang suplay ng bakuna para sa mga naka-iskedyul sa 2nd dose

LUNGSOD NG CABANATUAN (PIA) -- Sasapat ang suplay na COVID-19 vaccine sa lungsod ng Cabanatuan para sa mga mamamayang kailangang mabigyan ng ikalawang dose ng bakuna.
 
Sinabi ni Arminda Adecer, hepe ng Cabanatuan City Health Office, na patuloy sa pagbabakuna laban sa COVID-19 ang pamahalaang lokal partikular para sa mga mamamayang naka-iskedyul o dapat nang mabigyan ng ikalawang dose.
 
Aniya, tagubilin ni Mayor Myca Elizabeth Vergara na unahing makumpleto ang bakuna ng mga kababayang na-delay ang ikalawang dose nang sa gayon ay kanilang maabot ang mataas na efficacy o benepisyong proteksyon laban sa COVID-19.
 
Panawagan ni Adecer ay ang higit na pang-unawa ng mga kababayang hindi pa nababakunahan dahil naka-depende sa dumadating na suplay ng bakuna o alokasyong natatanggap ng siyudad para makapagbakuna ng maraming mamamayan.   
 
Kabilang sa mga huling dumating na bakuna sa siyudad ay ang 9,480 vials ng Sinovac noong Agosto 4. 
 
Mula sa datos nitong ika-anim ng Agosto taong kasalukuyan ay umaabot na sa 53,599 doses ang naibakuna sa mga Cabanatueno na kabilang sa priority group na A1 hanggang A3 o mga healthcare workers, senior citizens at citizens with comorbidity.
 
Nakapaloob sa nasabing bilang ang mga nabigyan ng una at ikalawang dose ng Sinovac, AstraZeneca, Pfizer at Janssen.
 
Paglilinaw ni Adecer, mayroong rekomendasyon ang mga COVID-19 vaccine manufacturers na base sa mga pag-aaral ay kailangang masunod ang interval o pagitan ng pagbibigay ng una at ikalawang dose upang maabot ang pinaka-mataas na efficacy o benepisyong proteksiyon laban sa COVID-19. 
 
Gayunpaman ay wala pang naiuulat na naging masamang epekto kung isang dose pa lamang ng bakuna ang natanggap subalit mahalaga na magkaroon ng kumpletong dose upang madagdagan ang panlaban na maaaring matanggap ng kalusugan kontra sa malalang epekto ng COVID-19. 
 
Sa kasalukuyan ay mayroong walong vaccination team ang Pamahalaang Lungsod ng Cabanatuan na kung saan ang average na nababakunahan sa isang araw ay aabot sa 1,500 indibidwal. 
 
Ayon pa kay Adecer, diretso nang natatanggap ng pamahalaang lungsod ng Cabanatuan ang alokasyong  bakuna mula sa Department of Health Regional Office 3 na kung saan nakita ng ahensiya ang kagayakan ng pamahalaang lokal sa vaccination roll-out gaya ang pagkakaroon ng storage facility para sa bawat bakuna. 
 
Samantala ay nasa 220,000 ang eligible population ng Cabanatuan na kailangang mabakunahan upang maabot ang herd immunity ng siyudad. 
 
Para sa mga may katanungan hinggil sa COVID-19 Vaccination Program sa lungsod ng Cabanatuan ay maaaring makipagugnayan sa Vaccine Operations Center Hotline na 0998 500 2710 o 0998 500 2750. (CLJD/CCN-PIA 3) 

Sasapat ang suplay na COVID-19 vaccine sa lungsod ng Cabanatuan para sa mga mamamayang kailangang mabigyan ng ikalawang dose ng bakuna. (Cabanatuan LGU)

About the Author

Camille Nagaño

Writer

Region 3

Feedback / Comment

Get in touch