IBA, Zambales (PIA) -- May 50,908 indibidwal na ang fully vaccinated sa lalawigan ng Zambales habang nasa 41,668 ang nakatanggap na ng unang dose.
Inilahad ni Provincial Health Office Information Officer Gretelyn Enriquez na kabilang sa mga nabakunahan ang mga nasa A1 priority group o mga healthcare worker kung saan 7,482 indibidwal ang kumpleto sa dalawang doses habang 7,941 ang nakapagpaturok na ng unang dose.
Nasa 1,031 na indibidwal naman na kabilang sa A1 expanded na kinabibilangan ng immediate family ng mga healthcare workers na nagtratrabaho sa mga ospital at mga Overseas Filipino Worker ang nabakunahan ng dalawang doses habang 1,674 ang nabakunahan na ng unang dose.
Patuloy naman sa pagdami ang mga senior citizen o nasa A2 priority group na nakapagsimula nang makapagpaturok ng unang dose na nasa 15,247 habang 20,112 na ang nakakumpleto na ng ikalawang dose.
Naitala naman ang pinakamataas na bilang na nabakunahan sa A3 priority group o mga person with comorbidities na kung saan, 22,275 na ang tapos sa dalawang doses habang 16,286 ang nabakunahan na ng unang dose.
Samantala, sinimulan na rin ang pagbabakuna sa A4 priority group na kinabibilangan ng mga essential workers sa high risk area kasama ang mga pulis at sundalo kung saan walo na ang nakakumpleto ng kanilang dalawang dose habang 520 ang nakatanggap ng unang dose. (CLJD/RGP-PIA 3)
May 50,908 na indibidwal ang ganap o fully vaccinated na sa lalawigan ng Zambales habang nasa 41,668 ang nakatanggap na ng unang dose. (LGU San Marcelino )