LUNGSOD NG CALAMBA (PIA) --Patuloy ang mga proyektong pang-imprastraktura ng pamahalaang bayan ng Gen. Nakar, Quezon sa kabila ng patuloy na nararanasang pandemya.
Sementadong kalsada/daanan at maayos na tawirang paagusan (drainage crossing) ang mapapakinabangan na ngayon ng mga residente sa lugar mula sa Kapitbahayan Village Brgy. Anoling at Brgy. Minahan Norte.
Ayon sa pabatid ng pamahalaang bayan ng General Nakar, tuluyan nang naipagawa ang 350-linear meter na kalsada at maaari nang madaanan patungo sa mga malalayong barangay at sitio sa pangunguna ng Office of the Municipal Engineer (OME) na pinondohan sa pamamagitan ng DILG-LGSF-AM-2020.
Sinabi nina DILG MLGOO Alely P. Ditalo at Municipal Engr. Dennis Leynes Supremo na P11,538,000 ang kabuuang badyet sa sementadong kalsada na ipinagawa sa Barangay Minahan Norte.
Ang installation naman ng mga RC pipe ay para sa gagawing road concreting na magmumula naman sa Municipal Compound papuntang Kapitbahayan Village, Brgy. Anoling.
"Itutuloy pa natin ang serbisyo publiko sa pamamagitan ng mga ganitong uri ng proyekto sa tulong ng inyong patuloy at hindi nagmamaliw na tiwala. Sama-sama nating pagandahin, palakasin, at payamanin ang ating bayan. Basta’t sama-sama, nagkakaisa, at nagtitiwala sa isa’t-isa, sigurado ang pag-unlad ng bayan ni Juan at Juana," ayon sa FB post.
Sang-ayon sa atas ni Punong Bayan Esee Ruzol, pinangunahan ng OME-Gen. Nakar ang pagbubukas ng mga bagong kalsada at paggawa ng mga tulay sa bayan.
"Mahalaga ang proyektong ito dahil ito ang isa sa nakikitang solusyon ng ating pamahalaang bayan na makatutulong sa hanapbuhay ng ating mga kababayan. Sa pamamagitan ng mga proyektong ito, madaling madadala ang mga produkto ng ating mga kababayan mula sa sakahan/taniman hanggang sa mga pamilihan. Mapapadali din ang pagdadala sa mga pagamutan ng mga kababayan nating may mga karamdaman," ayon pa sa FB post.
Samanatala, personal na sinuri ni Mayor Ruzol ang mga gusaling laan para sa paglilingkod bayan.