LUNGSOD NG LUCENA, Quezon (PIA) --Inihayag ng pamahalaang bayang ng Dolores, Quezon ang pagpapatupad ng limitadong pag-galaw o 'No Movement Day' sa darating na Agosto 21-22 bilang hakbang upang mapigilan ang pagtaas ng bilang ng COVID-19 cases sa bayan.
Ayon sa UNLAD Dolores FB Page, ang dalawang (2) araw ay ilalaan sa paglilinis at pagdidisinfect ng sabayan ng lahat ng mga residente sa kani-kanilang mga bahay at mga establisimiyento sa buong bayan ng Dolores.
Hinihikayat din ang lahat ng residente na 'stay at home' na lang muna upang linisin at idisinfect ang kanilang tahanan gayunindin ang lahat ng mga tindahan at establisimyento upang magsanitize/disinfect at kung hindi essential ang tinda ay magsarado na muna.
Hanggat maaari ay sa on-line na lamang muna manood at makinig ng banal na misa.
Ang mga nagtatrabaho naman kung papayagan ng kanilang mga employer ay kung puwede, huwag na munang pumasok.
Iminumungkahi rin na kung kakayanin ay bumili na ng pagkain sa loob ng 2 araw upang maiwasan muna ang paglabas.
Ang paggala sa lansangan lakad man o sakay ng motor or anumang sasakyan ay pinakikiusapan din na iwasan muna.
Tanging pahihintulutan lamang sa dalawang araw na ito ang mga essential travels at emergencies, maging ang deliveries ng mga essential goods and services.
"Sa dalawang araw na ito na ating ilalaan at isasakripisyo ay malaki ang maitutulong upang mapuksa ang mabilis na pagkalat ng virus. Kung hindi tayong kapwa mga Doloresin ang magtutulungan at magsusuportahan ay wala ng iba pang magmamalasakit para sa ikabubuti at ikakaayos natin kaya hiling po naming ang pakikiisa ng lahat," paki-usap ni Dolores Mayor Orlan A. Calayag.
Kung matatandaan, sa pitong (7) kaso ng Delta variant sa lalawigan ng Quezon na kinumpirma ng Department of Health kamakailan matapos dumaan sa pagsusuri ng UP Genome Center, apat (4) na kaso ang mula sa bayan ng Dolores.