LUNGSOD NG CALAMBA, Laguna (PIA) --Inilunsad ng pamahalaang bayan ng Alabat, Quezon kasama ang Anti-Red Tape Authority (ARTA) Agosto 16 ang Go.SmARTApp sa layuning mapabilis at mailapit ang mga serbisyo ng pamahalaang lokal sa mga mamamayan nito sa pamamagitan online app.
Pinangunahan ni Alabat Mayor MGen. Fernando L. Mesa (Ret) katuwang ang kinatawan ng ARTA sa paglulunsad ng Go.SmARTApp na malaki ang maitutulong na magkaroon ng 'ease of doing business' at maging 'business friendly' ang munisipyo.
Ang Go.SmARTApp ay isang web at mobile application na maaaring magrehistro, magbayad, at maka-avail ng iba pang serbisyo ng pamahalaang lokal ang isang residente gamit ang mobile phone.
Kabilang sa mga serbisyo na mapapakinabangan sa online app ang pagbabayad para sa business registration, real property tax, cedula, tubig at iba pang serbisyo ng munisipyo.
Kasama din sa serbisyo ang pagbabayad online sa SSS, HDMF Pag-Ibig Fund, at PhilHealth.
Sa paglulunsad ng G.SmARTApp, nagsagawa ng walk through presentation ang kinatawan ng ARTA para kay Mayor Mesa at mga namumuno sa bawat tanggapan upang malaman ang kabuuan ng application at mga gamit nito.
Nagkaroon naman ng pagpupulong ang binuong team ng pamahalaang bayan para sa nabanggit na online app at ARTA Agosto 17 upang pag-usapan ang memorandum of agreement at mga kinakailangang requirements upang maisakatuparan sa lalong madaling panahon ang Go.SmARTApp.
Malinaw din ang kautusan ng punong bayan na bawal ang humngi o tumanggap ng suhol ang lahat ng empleyado ng lokal na pamahalaan. (CPC, PIA Quezon at ulat mula sa Alabat LGU)