LUNGSOD NG CALAMBA, Laguna (PIA) --Ibinunyag kahapon ng Department of Health (DOH)-CALABARZON Regional Epidemiology and Surveillance Unit (RESU) sa isang press release na umakyat na sa 148 ang kaso ng Delta variant sa rehiyon.
Sa limang probinsiya: nangunguna ang Laguna na may 48 na naitalang kaso; kasunod ang Cavite na may 44 na kaso; Rizal, 33 kaso; Batangas, 15; at Quezon na may 8 kaso ng Delta variant.
Sinabi ni Regional Director Eduardo C. Janairo na mula 148 Delta variant cases, apat (4) ay fully vaccinated, 13 ay nabakunahan na ng unang dose, 58 ay hindi pa nababakunahan habang ang 81 naman ay magpapabakuna pa lamang.
Dagdag pa rito, sa nabanggit na bilang ng Delta variant cases sa rehiyon, 102 ay local cases, 24 ay returning overseas Filipino workers at ang 22 ay for verification.
"Napakaimportante na tayo po ay mabakunahan para magkaroon po tayo ng karagdagang proteksyon laban sa virus. Sa datos po ay makikita natin na mas maraming nahahawa na hindi nabakunahan kaya nananawagan po kami sa mga hindi pa nabakunahan na magparehistro na po sa inyong mga LGU upang mabigyan ng bakuna,” payo ni Januario sa mga residente.
Ayon pa sa kanya, wala nang aktibong kaso ng Delta variant sa rehiyon, ang 56 ay naka-recover na habang dalawang (2) kaso naman ang naitalang pumanaw na dahil sa sakit na ito.
Bilang hakbang laban sa COVID-19 Delta variant, inilunsad kamakailan ng DOH-CALABARZON ang Project Detect Early Local Transmission through Antigen Testing (DELTA) sa lahat ng probinsiya na may kaso ng Delta variant upang mapigilan ang pagkalat ng virus sa mga komunidad.
"Tinitiyak po ng regional office kasama ang mga lokal na pamahalaan ang pagkakaisa upang mapigilan ang lubusang pagkalat ng COVID sa rehiyon. Patuloy lang sa pagsunod sa community health protocols, pananatili sa bahay, manatiling ligtas at magpabakuna," pagbibigay diin ni Janairo. (CPG, PIA-4A at ulat mula sa DOH CALABARZON)