LUNGSOD NG MALOLOS (PIA) -- Pitong micro entrepreneurs mula sa Bulacan ang naggradweyt sa Kapatid Mentor ME o KMME Online program ng Department of Trade and Industry o DTI.
Ang mga nagsipagtapos ay mula sa iba’t ibang industriya partikular sa pagkain, mga likhang kamay at Information Technology.
Ayon kay DTI Provincial Director Edna Dizon, ang mga tinaguriang mentees ay dumaan sa 10 linggo ng masusing pag-aaral tungkol sa aspeto ng pagnenegosyo gaya ng mindsetting, marketing, business model, product development, supply, operation, accounting, human resource na dinagdadagan ng digitalization at government services upang iakma sa pangagailangan ng makabagong panahon.
Bago magtapos ay gumawa ng business improvement plan ang mga mentees sa i-prinesenta sa panel na binubuo ng mga kinatawan mula DTI, Philippine Center for Entrepreneurship GO Negosyo, pribadong sektor, academe at financial institutions.
Isa si Sheila Bernabe ng Sherly’s Kitchen, Inc. mula sa bayan ng Bustos sa nagtamo ng pinakamataas na grado sa iprinesentang business plan para sa kanyang negosyo.
Ang KMME program ay naglalayong paangatin ang kasalukuyang kalagayan ng maliliit na negosyante sa pamamagitan ng mentoring at patuloy na pag aaral sa kabila ng kinakaharap na pagsubok dulot ng pandemyang COVID-19. (CLJD/VFC-PIA 3)
Isa si Sheila Bernabe ng Sherly’s Kitchen, Inc. mula sa bayan ng Bustos na nagtapos ng Kapatid Mentor Me online program ng Department of Trade and Industry at nagtamo ng pinakamataas na grado sa iprinesentang business plan para sa kanyang negosyo. (DTI Bulacan)