No. of :

No. of Shares:

Currently viewed by: Marcus Rosit

9 na pamilya sa Sugpon, Ilocos Sur, nagtapos sa programang 4Ps ng DSWD

SUGPON, Ilocos Sur, Agosto 23 (PIA) –  Isinagawa ng Kagawaran ng Kagalingang Panlipunan at Pagpapaunlad o DSWD ang Pantawid Pamilya Graduation Ceremony: Pagkilala at Pagpapakilala sa mga nagtapos bilang benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) sa bayan ng Sugpon nitong Agosto 20.
 
Ito ay dinaluhan mismo ni DSWD Field Office 1 Regional Director Maria Angela Gopalan at ng iba pang mga kinatawan ng 4Ps regional at provincial offices, bilang tugon sa imbitasyon ni Sugpon Mayor Daniel Laño, Jr.
 
Sa nasabing kaganapan, siyam na pamilya na miyembro ng 4Ps ang nagtapos o matagumpay na naiangat ang kanilang antas ng pamumuhay sa loob ng 12 taon.
 
Ang 4Ps ay isang programang itinataguyod ng DSWD na nagbibigay ng conditional cash grants sa mga mahihirap na pamilya upang mapaunlad ang kalusugan, nutrisyon at edukasyon ng mga batang may edad 0-18.
 
Sa nasabing graduation ceremony ay nagpasa rin ang lokal na gobyerno ng Sugpon ng Sustainability Plan o balangkas ng mga programa na isasakatuparan upang masiguradong hindi na babalik pa sa kahirapan ang mga nasabing siyam na sambahayan.
 
Malugod itong tinanggap ng DSWD Field Office 1 na magmomonitor sa implementasyon ng nasabing plano.
 
Samantala, mahigit na P3 milyon naman ang ipinamahaging Livelihood Assistance Grant (LAG) ng DSWD Field Office 1 sa 242 na referrals mula sa bayan ng Cabugao, Ilocos Sur.
 
Karamihan sa kanila ay mga magsasaka, construction worker at vendor.
 
Ilan sa mga proposed livelihood project ng mga nasabing benepisyaryo ay goat and cattle raising, sari-sari store, at street food vending.
 
Ang LAG ay isa sa mga recovery and rehabilitation programs ng pamahalaan na may pangunahing layunin na magsilbing tugon para sa mga pamilyang kabilang sa low income o informal sector na nawalan ng pagkakakitaan o kabuhayan dulot ng community quarantine.
 
Sa programang Laging Handa Network Briefing News ng Presidential Communications Operations Office noong Agosto 13, ibinahagi rin ni Joel Aba mula sa Office of the Presidential Assistant for the Visayas ang ilan sa programa ng DSWD sa Leyte.
 
Aniya, nagbigay ang DSWD ng pabahay para sa 139 na benepisyaryo sa bayan ng Kananga, Leyte.
 
Ang Laging Handa Network Briefing News ay mapapakinggan tuwing Lunes hanggang Biyernes mula alas-nuwebe hanggang alas-diyes ng umaga sa Radyo Pilipinas at mapapanuod sa Facebook pages ng Philippine Information Agency sa buong bansa. (JCR/AMB/PIA Ilocos Sur)
 

About the Author

April Bravo

Editor

Region 1

April M. Montes-Bravo is an Information Officer III of the Philippine Information Agency (PIA)-Region 1. She is currently the Information Center Manager of PIA Pangasinan Information Center based in Dagupan City and  regional editrix of PIA-Region 1.

Feedback / Comment

Get in touch