LUNGSOD NG LUCENA, Quezon (PIA) --Muling pinagkalooban ng flu vaccines ng Department of Health (DOH) ang pamahalaang bayan ng Gumaca para sa mga frontliners at barangay officials nito.
Ayon sa post ng We Love Gumaca FB Page, Agosto 20, muling nabiyayaan ng DOH ang bayan ng flu vaccines, sa pamamagitan ng kahilingan ni Quezon Gov. Danilo E. Suarez.
"Malaking tulong ito sa immunity at dagdag proteksiyon ng ating mga kababayan. Ang mga kawani ng ating pamahalaang bayan at mga barangay officials ay nakatanggap ng kanilang bakuna laban sa flu, sa pangangasiwa ng ating rural health unit," sabi sa post.
Labis naman ang pasasalamat ni Mayor Webster D. Letargo at buong Sangguniang Bayan sa suportang ito para sa bayan. Nagpasalamat din ang alkalde sa bawat isa na nakikibahagi sa laban kontra COVID-19 at patuloy na sumusunod sa health protocols.
"Ang ating pamahalaan at mga lider ng bayan ay ating katuwang, gawin din natin ang ating parte upang kalusugan ay ating mapangalagaan," ayon pa sa post.
Noong nakaraang taon, nabahaginan din ng DOH ng flu vaccines ang bayan para sa mga frontliners at barangay officials na tumutugon sa pangangailangan ng bawat barangay. (RMO, PIA-Quezon at ulat mula sa We Love Gumaca FB Page)
![](https://pia.gov.ph/uploads/2021/08/b8cb43c743865a6828270288c0496b6c.jpg)
![](https://pia.gov.ph/uploads/2021/08/83874e1bea36774e219a4d256a792bde.jpg)