TUGUEGARAO CITY, Cagayan (PIA) - - Umakyat na sa 68,738 ang kabuuang kaso ng COVID-19 sa buong rehiyon dos, ayon sa pinakahuling datos ng Department of Health (DOH) region 2.
Nasa 6, 383 na ang mga aktibong kaso, 60,463 naman ang mga naka-recover na at 1,869 ang mga namatay.
Nangunguna pa rin ang Tuguegarao City sa may pinakamataas na active cases na may 1,305, pumapangalawa ang Baggao na may 254 at ikatlo ang Solana na may 237, pawang mga nasa lalawigan ng Cagayan.
Samantala, nasa "high" pa rin ang epidemic risk classification ng buong rehiyon dos sa ngayon.
Tanging ang probinsiya ng Quirino ang nasa "critical risk" matapos pumalo sa 271% ang case growth change nito.
Nasa "high risk" naman ang mga probinsiya ng Cagayan, Isabela at Nueva Vizcaya, gayundin ang Tuguegarao City at Cauayan City.
Nasa moderate risk naman ang City of Ilagan at Santiago City, samantalang, nanatili sa "minimal risk" ang Batanes.
Nasa 42% naman sa mga aktibong kaso ang nasa mga isolation facility, 39% ang naka-home quarantine at 17% ang mga nasa ospital.
Karamihan sa mga aktibong kaso ay nasa "mild" condition na may 58%, 37% ang "asymptomatic", 3% ang nasa "moderate", 0.5% ang "severe" at 0.2% ang nasa "critical" na kundisyon.
Ayon din sa datos ng DOH, karamihan naman sa mga namatay ay may hypertension, diabetes, heart disease, renal disease, asthma, cancer at tuberculosis. (MDCT/OTB/PIA Cagayan)