LUNGSOD NG MALOLOS (PIA) -- Handa na anumang oras na mayroong agarang paglikas ang bagong tayong Regional Evacuation Center na matatagpuan sa loob ng 10 ektaryang Malolos City Government Center.
Ayon kay Mayor Gilbert Gatchalian, ipinatayo ito sa tulong ng 30 milyong piso grant mula sa Office of the Civil Defense.
May laking 2,610 square meter ang lupang pinagtayuan nito kung saan mayroong walong gusali.
Kayang makapaglulan ito ng 160 hanggang 200 single bed na kumpleto sa hapagkainan, kusina, labahan, sampayan at tig-10 na paliguan at palikuran.
May pasilidad din ito para sa radio room, open storage, klinika at magkakaroon ng sariling botika.
Mayroon itong sariling power generators. Ito’y upang matiyak na may umaandar na kuryente sakaling magkaroon ng malawakang pagkawala ng suplay nito sa gitna ng isang kalamidad.
Kabilang ang Regional Evacuation Center na ito sa iba’t ibang pasilidad na naitayo na sa Malolos City Government Center kung saan sentro nito ang bagong city hall. (CLJD/SFV-PIA 3)
Handa nang magamit sakaling kailanganin ang bagong tayong Regional Evacuation Center na ipinagawa sa tulong ng Office of the Civil Defense sa Malolos. Itinayo ito sa 10 ektaryang Malolos City Government Center na nasa tabi ng Manila North Road. (Shane F. Velasco/PIA 3)