Luna, La Union, Okt.13 (PIA) – Nalubog sa baha ang buong bayan ng Luna bunsod ng naging malakas na buhos ng ulang dala ng Tropical Storm Maring.
Ayon kay Mayor Rachel Pinzon ay ito ang unang pagkakataon na lahat ng apatnapung barangay ng bayan ay binaha.
“Hindi natin inaasahan na ganito kalala ang magiging epekto ng bagyong Maring at buong bayan ay apektado hindi na lamang ang mga coastal barangays gaya ng dati,” pahayag ni Pinzon sa isang panayam.
Ayon kay Mayor Rachel N. Pinzon ay buong bayan ng Luna, La Union ang lumubog sa baha bunsod ng naging malakas na buhos ng ulang dala ng Tropical Storm Maring. (Litrato kuha ni Caren Cabanayan)
Tinatayang nasa 12,000 residente ang apektado ng kalamidad.
Isang araw makalipas ang araw ng pananalasa ng bagyo ay nananatiling lubog sa baha ang kalahati ng bayan.
Gaya na lamang ng lampas-taong tubig na nararanasan ng mga residente ng Brgy. Rimos 5 at ang hanggang baywang na baha naman sa Brgy. Sto. Domingo Norte.
Sa pakikipagtulungan ng lokal na pamahalaan sa Provincial Disaster Risk Reduction and Management Council, Naval Forces Northern Luzon, Philippine Coast Guard, Bureau of Fire Protection, at kasama ang iba pang mga volunteers ay matagumpay na nailikas ang ibang mga apektadong residente.
Hanggang alas sais ng gabi noong Martes ay nasa 149 indibibwal ang nanunuluyan sa municipal sports complex na nagsisilbi ngayong evacuation center; 58 katao ang nakikisilong sa simbahan; habang mayroon ding mga evacuees sa mga barangay hall.
Mayroon namang mga residenteng hindi na lumikas pa at mas piniling manatili sa kanilang mga tahanan sa kabila ng mataas na tubig-baha.
“Karamihan sa mga residente ay ayaw talagang iwan ang kanilang mga bahay dahil iniisip nila yung mga maiiwan nilang mga gamit,” ani Pinzon.
Dagdag pa niya, “Sinubukan pa rin naming silang kumbinsihin na lumikas.”
Kuha ang larawan bandang alas sais ng hapon noong Martes sa Brgy. Rimos 5 sa bayan ng Luna, isang araw makalipas manalasa ng Tropical Storm Maring, ay hindi na lumikas pa ang ilang mga residente at mas piniling manatili sa kanilang mga tahanan sa kabila ng lampas-taong baha. (Litrato ni Caren Cabanayan)
Ayon sa mga residente ay baka abutin ng ilang araw bago humupa ng baha.
Samantala ay nagsimula nang mamahagi ng ayuda ang lokal na pamahalaan.
Inisyal nang nagpadala ng 400 family food packs ang lokal na pamahalaan para sa mga pamilyang hindi na lumikas habang patuloy naman sa pamamahagi ng hot meals para sa mga evacuees.
Sa kabilang dako, hindi pa matukoy ng lokal na pamahalaan ang aktuwal na bilang ng pinsalang natamo ng buong bayan dahil hirap pa rin ang mga opisyal ng mga barangay sa pangangalap ng datos bunsod ng mataas na tubig-baha at kawalan ng suplay ng kuryente.
Gayunpaman, dahil sa nakikitang tinamong pinsala ng bayan ay nagpahayag na si Pinzon na nais irekomenda ng lokal na pamahalaan na isailalim ang Luna sa state of calamity. (JCR/JPD/CGC, PIA La Union)