No. of :

No. of Shares:

Currently viewed by: Marcus Rosit

DOH-CHD XII patuloy ang kampanya kontra fake news hinggil sa COVID-19

LUNGSOD NG KORONADAL, South Cotabato (PIA)—Patuloy ang pagpapalaganap ng Department of Health-Center for Health Development (DOH-CHD) Soccsksargen Region ng mga tamang impormasyon may kaugnayan sa coronavirus disease 2019.

Ito ay upang labanan ang mga kumakalat na maling balita o fake news na nagdudulot ng kalituhan sa mamamayan.

Ayon kay Arjohn Gangoso, health education and promotion officer ng DOH-CHD XII, kabilang sa mga maling impormasyon na kumakalat ay hindi ligtas ang paggamit ng bakuna laban sa COVID-19. Ani Gangoso, ang mga ginagamit na bakuna ay dumaan sa clinical trials at sertipikado ng Philippine Food and Drug Administration.

Ilan pa sa maling impormasyon hinggil sa mga COVID-19 vaccine ay ang pagdudulot ng sterility at infertility at pagbabago ng deoxyribonucleic acid o DNA ng tao.

Sinabi pa ng tagapagsalita ng DOH-CHD XII na may mga kumakalat ding fake news na hindi na kailangang gumamit ng face mask at face shield pagkatapos mabakunahan, na ang isang dose ng bakuna ay sapat na upang labanan ang COVID-19, at ang mga bakuna ay may magnet at microchip na pwedeng gamitin upang ma-track ang taong nabakunahan.

Kaugnay nito, hinihikayat ni Gangoso ang publiko na suriin muna ang mga nakalap na impormasyon bago paniwalaan.

Binigyang-diin nito na ang mga COVID-19 vaccine ay mahalaga upang magkaroon ng dagdag na proteksyon ang bawat isa laban sa nakamamatay na sakit. Aniya, ang pagpapabakuna ay hindi lamang proteksyon sa sarili kundi proteksyon sa pamilya, sa komunidad, at sa buong bansa.

About the Author

Shahana Joy Duerme-Mangasar

Writer

Region 12

Feedback / Comment

Get in touch