DAET, Camarines Norte, Nobyembre 8 (PIA) – Nilagdaan ng pamahalaang bayan ng Jose Panganiban ang Collective Negotiation Agreement (CNA) para sa mga manggagawa nito.
Ang mga manggagawa ay kinatawan ng Jose Panganiban Municipal Employees Association (JPMEA) na pormal na tinanggap ang CNA sa idinaos na ceremonial signing.
Pinuri ni JPMEA president Von Ryan Schneider ang paglagda ng CNA bilang katuparan ng pangako ni Alkalde Ariel Non ng Jose Panganiban na bibigyan ng pansin, palakasin at pangalagaan ang karapatan ng bawat manggagawa ng munisipyo.
Ayon naman kay Non, mahalagang bahagi sa kanyang panunungkulan na masigurong hindi mapag-iiwanan ang bawat manggagawa ng lokal na pamahalaan kung kaya’t prayoridad niya ang pagtatatag ng JPMEA at pagkakaroon ng CNA sa ilalim ng kanyang administrasyon.
Nakapaloob sa CNA ang mga probisyong nangangalaga sa iba’t ibang karapatan ng bawat manggagawa sa munisipyo at representasyon at paglahok ng JPMEA sa mga mahahalagang komite at mga local policy making bodies.
Tinitiyak nito ang mga benepisyo at pagtulong ng pamahalaang bayan sa kanilang mga pangangailangan katulad ng professional development at health care.
Nangako rin si Non ng dagdag na seed funds para sa kooperatiba ng JPMEA at tulong upang lalong mapalakas ito. (ROV/PIA5/Camarines Norte)