No. of :

No. of Shares:

Currently viewed by: Marcus Rosit

Mga senyales ng pagbangon mula sa pandemya, iniulat

LUNGSOD NG CABANATUAN (PIA) -- Ibinahagi ng National Economic and Development Authority o NEDA ang estado ng Gitnang Luzon higgil sa patuloy na pagbangon mula sa pandemya.
 
Sa idinaos na Dagyaw 2021: Resbakuna para sa Ekonomiya Virtual Town Hall, sinabi ni NEDA Region 3 Chief Economic Development Specialist Divina Hope Vallejo na kabilang sa mga nakikitang senyales ng pagbawi mula sa pandemya ng rehiyon ay ang pagbuti ng kalagayan ng mga manggagawa kung saan tumaas ang employment rate sa 93.8 porsyento samantalang nakapagtala ng 6.2 porsyento na unemployment rate batay sa datos nitong buwan ng Hulyo.
 
Mula sa humigit 5.08 milyong labor force population sa rehiyon ay tinatayang nasa siyam mula sa sampung indibidwal ang mayroong hanapbuhay.
 
Epekto aniya ng pagluwag sa community quarantine ang pagrekober ng labor market dahil sa panunumbalik sa operasyon ng mga nagnenegosyo at nagtatrabaho. 
 
Ipinahayag din ni Vallejo na kabilang sa mga senyales ng recovery sa Gitnang Luzon ang tumataas na operasyon ng paliparan sa Clark na nakapagtala ng 638 flights, mas mataas ng 43 porsyento kumpara noong 3rd quarter ng 2020. 
 
Dumadami din ang mga nagbubukas na inter-regional routes na nasa 71 porsyento na gayundin ay halos kumpleto na sa operasyon ang mga Public Utility Vehicle na nasa 99.69 porysento na ang mga bumabyahe. 
 
Sa agrikultura naman ay tumaas ng 16.08 porsyento ang produksyon ng mais ngayong 2021 kumpara noong nakaraang taon bagamat bumaba ng 1.44 porsyento ang produksyon ng palay.
 
Tumaas naman ang produksyon ng mga palaisdaan ng 3.27 porsyento samantalang bumaba ang produksiyon sa livestock partikular ang pag-aalaga ng mga kalabaw, baka at baboy na naapektuhan dulot ng African Swine Fever at ang mga ipinatutupad na travel restrictions kaya nahirapan ang ilan sa pagbyahe ng mga feeds at iba pang kailangan sa produksyon. 
 
Iniulat din ni Vallejo ang mga proyekto ng pamahalaan sa ilalim ng Build Build Build na nakikitang makatutulong sa rehiyon upang mapabilis ang pagbawi mula sa pandemya sa pagkakaroon at pagbuo ng mga trabaho at pagpapalawak ng pamumuhunan sa rehiyon. 
 
Kabilang na rito ang New Clark City National Government Administrative Center, bagong passenger terminal building ng Clark International Airport, ang 38 kilometrong Philippine National Railways o PNR North 1 mula Malolos hanggang Tutuban at ang kadugtong na 69.5 kilometerong PNR North 2 mula Tutuban hanggang Clark International Airport at New Clark City. 

Nariyan din ang iba pang malalaking proyekto tulad ng MRT Line 7 at ang Central Luzon Link Expressway. (CLJD/CCN-PIA 3)

Ibinahagi ni National Economic and Development Authority Region 3 Chief Economic Development Specialist Divina Hope Vallejo ang kalagayan ng Gitnang Luzon hinggil sa patuloy na pagbangon mula sa pandemya. (Camille C. Nagaño/PIA 3)

About the Author

Camille Nagaño

Writer

Region 3

Feedback / Comment

Get in touch