TUGUEGARAO CITY, Cagayan - - Maliwanag ang hinaharap ng ating lalawigan dahil sa lumalakas na suporta ng mga kabataan sa ating kapulisan.
Ito ang binigyan diin ni Cagayan Police Provincial Office Director Col. Renell R Sabaldica sa kanyang mensahe sa isinagawang pagpapasinaya ng Kabataan Kontra sa Droga at Terorismo (KKDAT) Corner sa Solana Municipal Police Station ngayong araw. Ang kanyang mensahe ay binasa ni Lt. Col. Emil Pajarillo, ang hepe ng Provincial Community Affairs Division ng CPPO.
Resulta ng pagtutulungan ng KKDAT Solana chapter, lokal na pamahalaan at ng Solana Municipal Police Station ang nasabing KKDAT Corner na ayon kay Police Captain Samuel Lopez ay isang pasilidad na maaaring gamitin ng mga kabataan para sa kanilang pagpupulong at pagsasagawa ng iba pang mga makabuluhang aktibidad.
“Ang inyong CPPO ay patuloy na ginagampanan ang aming tungkulin na magsilbi sa inyo, may pandemiya man o wala. At napakapalad namin na marami pa rin ang sumusuporta sa aming adhikain, gaya ng mga kabataan, na makapagbigay na matiwasay at mapayapang buhay para sa bawat Cagayano,” sinabi ng direktor.
“Ang pagpapasinaya sa KKDAT Corner ay isa na namang tagumpay tungo sa pinapangarap na kapayapaan at kaunlaran sa ating minamahal na lalawigan. Ito ay kumakatawan sa kooperasyon at iba’t ibang sektor ng lipunan para sugpuin ang salot na droga at terorismo na siyang pumipigil sa ating pag-unlad bilang indibidwal man o bilang isang lalawigan,” dagdag pa ni Sabaldica.
Sinabi naman ni Lopez na ang pagpapatayo ng KKDAT Corner ay isa lamang sa mga aktibidad at programa ng kanilang istasyon upang mas mapalakas at mapagtibay pa ang relasyon ng kapulisan at mga kabataan.
“We have collaborately put up this KKDAT Corner Nook where the youth can conveniently conduct meetings and activities to help us reach our goals of eliminating illegal drugs and terrorism. This corner will serve as a catalyst to keep the communication with the youths for us to save more youths who were lost because of unclear goal perspective,” saad pa ni Lopez.
Nagpapasalamat naman ang presidente ng KKDAT Solana na si Jaypee Pagulayan sa mga tumulong partikular ang Solana PNP, Sangguniang Kabaatan (SK) Federation at sa lokal na pamahalaan.
“We from the municipality of Solana envisions for a greater work that consequently make our municipality a safer place for the people and Solanian youths,” sinabi ni Pagulayan.
Hinikayat pa ni Pagulayan ang kapwa nito kabataan na suportahan ang lahat ng aktibidad ng KKDAT at PNP sa pagsugpo sa laban sa iligal na droga at terorismo.
“I am calling the youth leaders that together , we embark in making a KKDAT Solana an avenue for youth development activities that envisions a better place for Solanian youth. Basta’t KKDAT Solana, para sa bagong umaga, kabataang bagani, bagong bagani,” dagdag ng presidente ng KKDAT.
Maliban sa bagong pasilidad, tampok din sa bungad ng istasyon ang mga makukulay na mural paintings na nagpapakita ng mga masasamang epekto ng paggamit ng iligal na droga at kawalan ng magandang maidudulot sa pagsanib sa mga makakaliwa at rebeldeng grupo.
Sinabi naman ng bise maypr ng Solana na si Maynard Carag na natutuwa siya sa pagiging aktibo ng mga kabataan sa kanyang bayan sa iba’t ibang makabuluhang aktibidad.
“Masaya po ako, dahil nakikita ko po ang commitment ng ating mga kabataan para ihanda ang isang magandang kinabukasan sa future generation,” sinabi ni Carag.
Muli rin nitong pinaalalahanan ang mga kabataan na dapat pangatawanan nila ang tinuran ni Jose Rizal na ang kabataan ang pag-asa ng bayan sa pamamagitan ng pag-iwas sa iligal na mga aktibidad.
Ipinaabot din ng bise mayor ang kanyang pasasalamat sa kapulisan sa kanilang kontribusyon para mapanatili ang peace and order sa kanilang bayan na ayon sa kanya ay napakalaking elemento para maging maunlad ang isang bayan.
Sa kabilang banda, binigyang halaga naman ni Pajarillo ang kawang-gawa ng mga KKDAT sa buong lalawigan dahil aniya, kahit wala silang bayad ay hindi matatawaran ang kanilang kontribusyon sa kapayapaang ipinaglalaban ng pamahalaan at kapulisan.
“Ang PNP po ang nanganasiwa sa KKDAT, I encourage ang mga kabataan dito sa Solana na makilahok sa mga aktibidad para magabayan ang ating kabataan para hindi malulong sa iligal na droga at marecruit sa left-leaning groups,” aniya.
Dumalo rin sa nasabing pagpapasinaya si KKDAT Regional President Angelika Lappay at mga opisyal mg SK Federation Solana chapter.(MDCT/PIA Cagayan)