No. of :

No. of Shares:

Currently viewed by: Marcus Rosit

Ethyl alcohol production project, inilunsad ng DOST, NVSU

BAYOMBONG, Nueva Vizcaya (PIA) - - Inilunsad kahapon ng Department of Science and Technology (DOST) at Nueva Vizcaya State University (NVSU) ang Ethyl Alcohol Production Project.

Ayon kay DOST Provincial Director Jonathan Nuestro, pinondohan ng DOST ang Novel Processing Facility for the Conversion of Agricultural Products to Ethyl Alcohol Project sa NVSU campus upang makagawa ng sariling produkto at mapadami ang suplay ng alcohol sa Nueva Vizcaya.

“Isa itong magandang proyekto dahil sagan tayo sa mga agricultural products na pwedeng magamit bilang raw material sa paggawa ng alcohol at iba pa,” pahayag ni Nuestro.

Tinanggap din ng NVSU ang mahigit P1 million bilang karagdagang tulong ng DOST sa nasabing proyekto  na maaaring pagmulan din ng organic fertilizers mula sa mga agricultural products.

Bagama’t hindi pa ito buong komersiyalisado, layunin ng nasabing proyekto na makapagbigay ng suplay sa mga  kawani ng NVSU, community clinics at hospitals, mga paaralan at local government units sa lalawigan.

Pinuri ni Governor Carlos Padilla ang paglulunsad ng nasabing proyekto dahil  sa positibo nitong epekto at tulong sa mga magsasaka at ibang sektor ng lipunan dahil sa hinaharap na COVID-19 pandemic.

“Ito ay naaayon sa tamang panahon dahil makakatulong ito sa mga magsasaka at sa pangangailangan nating supply dahil sa pandemya. Kung maalala natin, nagkaroon tayo ng kakulangan ng supply ng alcohol noong nakaraang taon dahil sa pandemya at ito ang isang kasagutan upang ito ay hindi na muling maulit,” pahayag ni Governor Padilla.(MDCT/BME/PIA Nueva Vizcaya)

About the Author

Benjamin Moses Ebreo

Information Officer III

Region 2

Feedback / Comment

Get in touch