No. of :

No. of Shares:

Currently viewed by: Marcus Rosit

Kabayanihan ni Heneral Juan Cailles, inalala sa Laguna

LUNGSOD NG CALAMBA (PIA) — Kabayanihan sa gitna ng pandemya ang mensahe ng pagdiriwang ng ika-150 anibersaryo ng kapanganakan ni Heneral Juan Cailles sa bayan ng Santa Cruz noong Nobyembre 10. 

Pinangunahan ng Pambansang Komisyong Pangkasaysayan ng Pilipinas at pamahalaang panlalawigan ng Laguna ang paggunita sa mga kontribusyon ni Heneral Cailles bilang bayani at pinuno. 

Kasama ang mga kaanak ng yumaong heneral, personal na dinaluhan nina Gobernador Ramil Hernandez, Bise Gobernador Katherine Agapay at MGen. Rowen Tolentino ng 2nd Infantry Jungle Fighter Division ng Philippine Army upang mag-alay ng bulaklak bilang pag-alala sa bayani ng Mabitac. 

“Laging hamon sa kasalukuyang panahon ay tularan ang magagandang nagawa ng mga nauna sa atin. Tayo ay malaki ang pagkilala sa mga nauna sa atin, iginagalang at nirerespeto natin ang kanilang mga kontribusyon,” ani Hernandez. 

Matapos ang maikling pagpupugay para sa dating gobernador, personal na ibinigay nina Tolentino Dr. Rene Escalante na tagapangulo ng NHCP ang Commemorative Stamp bilang pag-alala sa mga kontribusyon ng heneral at pinakaunang gobernador ng lalawigan. 

Ayon kay Escalante, isa sa mga aral ng buhay ni Cailles na hindi natatapos sa pagkabigo ang paglilingkod. 

“Pinili niyang makatulong sa pamamagitan ng pakikilahok sa pamahalaang itinatag ng mga Amerikano. Nakatala sa kasaysayan ang dami ng mga tanggapan na kanyang pinaglingkuran,” 

Sa pamamagitan ng ehemplo ni Heneral Cailles, hinimok ni Escalante ang mga nagsidalo na tanggapin ang mga tungkulin nila sa trabaho at tahanan. 

Pagpapatuloy niya, “Sa ganitong paraan, makaka-ambag tayo sa pag-unlad ng ating bayan.”

Bukod sa mga kawani ng pamahalaan, personal ring dumalo ang mga kaanak ng yumaong heneral upang saksihan ang pagbibigay pugay ng lalawigan sa mga kontribusyon ni Cailles sa kasaysayan ng bansa. — PB, PIA4A

Kabayanihan sa gitna ng pandemya ang mensahe ng pagdiriwang ng ika-150 anibersaryo ng kapanganakan ni Heneral Juan Cailles sa bayan ng Santa Cruz noong Nobyembre 10. (Shimie Taclino, PIA4A)

About the Author

Patricia Bermudez

Writer

Region 4A

Feedback / Comment

Get in touch