BAYOMBONG, Nueva Vizcaya (PIA)- - Maliban sa kanilang produktong agrikultura, maaari nang kumita ang mga magsasaka sa Nueva Vizcaya dahil sa naipamahaging kaalaman hinggil sa ‘Tinapa’ (smoked fish) making.
Ibinabahagi ito ng Institutional Development Unit (IDU) ng National Irrigation Administration (NIA) sa mga farmers organization na naghahangad ng pagkakakitaan maliban sa pagsasaka.
Ayon kay NIA Division Manager Edison Tolentino, isa itong hakbang upang matulungan ang mga magsasaka na mabigyan ng alternatibong pagkakakitaan lalo na ngayong panahon ng pandemya.
Ayon sa kanya, nauna nang naibahagi ang kaalaman hinggil sa ‘Tinapa’ making sa mga miyembro at opisyal ng Unified Bayombong Solano Colocol Irrigation Association (UBSCIA) sa pangunguna ni Ginoong Solomon Corpuz.
Isinagawa ang nasabing training noon nakaraan buwan sa tulong nina Lourdes Miranda at Lorelei Mata bilang Trainers sa barangay Bagahabag sa bayan ng Solano.
Umaasa si Tolentino na makakatulong ang kaalaman ng mga magsasaka hinggil sa ‘Tinapa’ making upang madagdagan ang kanilang kita habang hinaharap ang COVID-19 pandemic at iba pang hamon sa kanilang sektor.(MDCT/BME/PIA Nueva Vizcaya)