PUERTO PRINCESA, PALAWAN, (PIA)--Umabot na sa 50K bags ng Palay seeds ang naipamahagi ng Department of Agriculture sa lalawigan ng Palawan.
Ito ang sinabi ni Vicente Binasahan Jr, Agricultural program Coordinating Officer ng Department of Agriculture MIMAROPA sa naganap na Kapihan sa PIA noong Nobyembre 18.
Aniya, noong wet season o sa first cropping ay nakapagbigay na sila ng 20K bags ng hybrid seeds at 5K bags ng certified seeds at ngayong dry season o second cropping ay ganoong bilang rin ang kanilang naipamahagi sa mga magsasaka.
Naglaan rin aniya ang kanilang tanggapan ng 500 bags ng certified Palay seeds bilang buffer stock para naman sa mga tatamaan ng kalamidad.
Samantala, kinumpirma niya rin na mayroon silang fertilizer subsidy na ibinibigay sa mga magsasaka sa pamamagitan ng voucher pero kailangang bumili muna ang magsasaka ng abono at kanila lamang ire-reinburse ang perang ginamit.
Para mabigyan nito, ang mga magsasaka ay kailangang nakarehistro sa Registry System for Basic Sector in Agriculture o RSBSA at pumasa sa balidasyon ng kanilang mga tauhan na nasa mga munisipyo.
Ito aniya ay bahagi ng Plant, Plant, Plant program na isang rice resiliency program ng Kagawaran ng Agrikultura.
Sa ngayon, ang lalawigan ng Palawan ay may kabuuang Limampu’t pitong (57) libong ektaryang lupain na tinataniman ng Palay.(MCE/PIA-MIMAROPA,PALAWAN)