No. of :

No. of Shares:

Currently viewed by: Marcus Rosit

Unang 310 na estudyante sa kolehiyo sa Bulacan, pinabakunahan na

LUNGSOD NG MALOLOS (PIA) -- Napabakunahan na ang unang 310 na mga mag-aaral sa kolehiyo sa Bulacan sa ginanap na Regional Simultaneous Vaccination Program for Tertiary Students in Central Luzon.
 
Itinaguyod ito ng Commission on Higher Education sa pakikipagtulungan sa Department of Health o DOH, Department of the Interior and Local Government at Philippine Information Agency.
 
Ayon kay Provincial DOH Office Head Emily Paulino, isang hakbang ito upang mapabilis na mapataas ang herd immunity at maisakatuparan na maibalik ang face-to-face classes sa kolehiyo.
 
Sa loob ng nasabing bilang, may 100 mga mag-aaral ng Bulacan State University o BulSU Malolos main campus ang pinapabakunahan.
 
Ipinaliwanag ni BulSU President Cecilia Gascon, ito ang mga mag-aaral na natunton ng pamantasan na hindi pa nababakunahan sa kanilang pamilya.
 
Inisyal pa lamang ito sa mahigit 46 libong mga mag-aaral ng BulSU mula sa mga campuses nito sa Pulilan, Malolos, Hagonoy, Bulakan, San Jose Del Monte at Bustos.
 
Iniulat naman ni Provincial Task Force against COVID-19 Response Cluster Head Hjordis Marushka Celis, sinimulan na rin ang pagbabakuna sa unang 200 mga mag-aaral ng Bulacan Polytechnic College.
 
Ang La Consolacion University Philippines o LCUP ay ginawa namang isang bagong vaccination site ng lokal na pamahalaan ng Malolos kung saan dito pababakunahan ang mga mag-aaral mula sa iba pang pribadong paaralan sa lungsod.
 
Ayon kay LCUP Crisis Manager Ezekiel Rodriguez, may 979 dosis na suplay ng bakuna ang inilaan dito ng pamahalaang lungsod. Sa loob ng nasabing bilang, nasa 110 ang mga mag-aaral ng LCUP. (CLJD/SFV-PIA 3)
 

Sinimulan na ang pagbabakuna sa unang 310 na mga estudyante sa kolehiyo sa Bulacan sa ginanap na Regional Simultaneous Vaccination Program for Tertiary Students in Central Luzon. Layunin nito na pabilisin ang pagsasakatuparan na maibalik ang face-to-face classes sa mga kolehiyo at pamantasan. (Shane F. Velasco/PIA 3)

About the Author

Shane Velasco

Writer

Region 3

Feedback / Comment

Get in touch