No. of :

No. of Shares:

Currently viewed by: Marcus Rosit

Higit 400 hog raisers na apektado ng ASF sa Marinduque, tumanggap ng tulong pinansyal

TORRIJOS, Marinduque (PIA) -- Tumanggap ng tulong pinansyal ang nasa 435 hog raisers na lubhang naapektuhan ng African Swine Fever (ASF) sa lalawigan ng Marinduque.

Mismong si House Speaker Lord Allan Jay Velasco ang namahagi ng cash assistance sa mga nag-aalaga ng baboy na direktang tinamaan ng ASF.

Ayon kay Velasco, patuloy ang paghahanap ng kanyang tanggapan ng iba pang alternatibong pagkakakitaan upang maiangat ang antas ng pamumuhay ng bawat mamamayan.

"Sa hindi inaasahang pagpasok ng ASF sa ating lalawigan, nais ng inyong lingkod na tiyakin na ang mga apektadong kababayan ay agad mabigyan ng tulong pinansyal", pahayag ng kongresista.

Pinangunahan ni House Speaker Lord Allan Jay Velasco ang pamamahagi ng cash assistance sa mga nag-aalaga ng baboy na direktang tinamaan ng African Swine Fever sa Marinduque. (Larawan mula sa opisini ni Speaker Velasco)

Ang halaga ng ayudang ipinagkaloob sa mga benepisyaryo ay nakadepende sa bilang ng mga baboy na boluntaryong isinuko para sa swine depopulation.

Sa mga nag-surrender ng 1-5 baboy, tumanggap ang mga ito ng P3,000; ang mga hog raiser na may 6-9 na baboy ay tumanggap ng P5,000; habang ang may 10-15 baboy ay nakatanggap naman ng P10,000.

Ang mga benepisyaryo ng nasabing tulong ay nagmula sa mga bayan ng Torrijos, Boac at Santa Cruz.

Naging katuwang sa gawain ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) na siyang umagapay sa pamamahagi ng naturang tulong pinansyal na pinondohan mula sa tanggapan ng Speaker of the House of Representatives.

Samantala, paunang tulong pa lamang aniya ito sapagkat inihahanda na ang mga programang pangkabuhayan at dagdag puhunan mula sa pamahalaang panlalawigan na inaasahang ipamamahagi sa mga darating na araw. (ENSJR/RAMJR/PIA MIMAROPA)

About the Author

Romeo Mataac, Jr.

Writer

Region 4B

Romeo is the information center officer of Philippine Information Agency-Marinduque.

Feedback / Comment

Get in touch