Sa ginanap na Kapihan sa PIA sa Radyo Natin-San Jose, ay ipinaliwanag ni Catherine Ogsimer, Provincial HIV Coordinator, na patuloy ang pamahalaan sa pagpapalaganap ng ABCDE approach bilang pagiwas sa HIV/AIDS. (VND/PIA Occ Min)
SAN JOSE, Occidental Mindoro (PIA) -- Ibinahagi ng Provincial Health Office (PHO) kamakailan ang mga hakbang upang makaiwas sa Human Immunodeficiency Virusat Acqui red Immunodeficiency Syndrome (HIV-AIDS).
Sa ginanap na Kapihan sa PIA sa Radyo Natin-San Jose, ay ipinaliwanag ni Catherine Ogsimer, Provincial HIV Coordinator, na patuloy ang pamahalaan sa pagpapalaganap ng 'ABCDE approach' para maiwasan ang HIV/AIDS.
Ayon kay Ogsimer, ang A ay 'abstinence' o pag-iwas sa pakikipagtalik; ang B naman ay 'Be mutually faithful with your partner' o maging tapat sa iyong kapareha; C ay 'Consistent and Correct use of Condom' o tama at palagiang paggamit ng condom; 'Don’t use Drugs' o hindi paggamit ng ipinagbabawal na gamot ang letrang D ; at E para sa 'Early detection and Education' o maagang pagtukoy kung may HIV infection at pagkakaroon ng sapat na kaalaman ukol sa HIV/AIDS.
Sinabi ni Ogsimer na ang HIV ay naihahawa sa pamamagitan ng blood transfusion o pagsasalin/paggamit ng dugo ng taong taglay ang virus, pakikipagtalik sa isang HIV carrier, paggamit sa hiringgilyang ginamit ng pasyenteng may HIV, at pagpapasuso ng ina na HIV-positive sa kanyang sanggol.
Sa kasalukuyan, aniya, bagamat may pandemya, ay nadagdagan ng 18 ang bilang ng mga kaso ng HIV sa lalawigan, na ngayon ay umabot na sa kabuuang 123. Pinakamarami, ani Ogsimer, ang nasa age group na 25-34 taong gulang na may 71 kaso, sumunod ang edad 15–24 na may 35 kaso, at 35-49 taong gulang na may 17 kaso.
Nilinaw naman ni Ogsimer na wala pang lunas sa HIV/AIDS ngunit ang isang indibidwal ay maaaring isailalim sa treatment upang hindi lumubha ang kundisyon at magkaroon ng komplikasyon. Ang mga nais magpasuri aniya ay maaaring magtungo sa ARUGA clinic na matatagpuan sa Provincial Hospital sa Mamburao. Tiniyak ni Ogsimer na mananatiling lihim ang resulta ng eksaminasyon at lubos na pangangalagaan ng klinika ang confidentiality ng sinuman na sumailalim sa gamutan.
Ang unang araw ng Disyembre taun-taon ay World Aids Day, na isang paraan upang aktibong ipaalala sa publiko na nananatiling banta sa kalusugan at buhay ang HIV/AIDS. Ang tema ngayong taon ay “End Inequalities. End AIDS. End Pandemics.” (VND/PIA MIMAROPA)