No. of :

No. of Shares:

Currently viewed by: Marcus Rosit

50 benepisyaryo ng agrarian reform sa Marinduque, nagsanay ng SRI

MOGPOG, Marinduque (PIA) -- Mahigit 50 miyembro ng Agrarian Reform Beneficiary Organization o ARBO mula sa Bintakay Farmers Association ang dumalo sa dalawang araw na pagsasanay hinggil sa System of Rice Intensification (SRI) na inilunsad ng Department of Agrarian Reform (DAR)-Marinduque,sa ilalim ng programang Climate Resiliency Farm Productivity Support (CRFPSP).

Sa pangunguna ng resource speaker mula sa AGREA Farm Estate na si Jonathan Quinto, tinalakay ang climate-smart at agroecological methodology, kung paano mapatataas ang produksyon ng irrigated na palay at iba pang pananim sa pamamagitan ng pagbabago sa pamamahala ng mga halaman, lupa, tubig, at nutrients na inilalagay rito.

Kabilang sa mga aktibidad na saklaw ng programa ang isa at kalahating araw na lecture o workshop at ang aktuwal na paghahanda ng mga organikong pataba at pestisidyo, gayundin ang kalahating araw ng aktuwal na aplikasyon sa sakahan na nakatuon sa paraan ng pagtatanim ng palay.

Matamang ino-obserbahan ni Jonathan Quinto, resource person mula sa AGREA Farm Estate ang ginagawang aplikasyon ng isa sa mga kalahok sa dalawang araw na pagsasanay hinggil sa System of Rice Intensification. (Larawan mula sa DAR-Marinduque)

Ayon sa isang benepisyaryo, malaking katipiran umano ito para sa katulad nilang maliit na magsasaka lalo na at sila na mismo ang gagawa ng mga organikong pataba at pamatay-peste.

"Mapalad ang aming barangay na naging benepisyaryo ng DAR. Nagbigay sila ng Solar Power Irrigation System (SPIS) na maaring makapagpatubig ng tuluy-tuloy sa limang ektaryang palayan at gulayan ng humigit kumulang na tatlumpong magsasaka," ani Lope Hirondo, kapitan ng Barangay Bintakay.

Samantala, nagbigay din ng traktora na may trailer at iba pang kagamitang pansaka ang kagawaran. (RAMJR/ENSJR/PIA MIMAROPA)

About the Author

Romeo Mataac, Jr.

Writer

Region 4B

Romeo is the information center officer of Philippine Information Agency-Marinduque.

Feedback / Comment

Get in touch