NORZAGARAY, Bulacan (PIA) -- Magkakaroon na rin sa wakas ng tiyak na suplay ng tubig ang mga naninirahan sa mga barangay ng San Mateo at San Lorenzo sa Norzagaray na nasa tabi mismo ng mga dam ng Ipo at Angat.
Iyan ang ibinalita ni Mayor Alfredo Germar ngayong magsisimula na ang konstruksyon ng Norzagaray Modular Water Treatment Plant, upang suplayan ang nasabing mga barangay.
Aniya, napakahabang panahon ang tiniis ng mga tagarito na umaasa lamang sa nirarasyon na tubig upang magamit sa araw-araw na pangangailangan.
Matatapos na rin aniya ang isang kabalintunaan na ang mga barangay ng San Mateo at San Lorenzo, kung saan matatagpuan ang nasabing mga dam na nagsusuplay sa Metro Manila, ay hindi nararating ng tubig.
May halagang 180 milyong piso ang inilaan ng Luzon Clean Water Development Corporation na konsesyonaryo sa Bulacan Bulk Water Supply Project o BBWSP.
Magiging bahagi ito ng BBWSP Stage 3 kung saan bukod sa Norzagaray, masusuplayan din ng tubig sa loob ng 24 oras ang mga bayan ng Pandi, Baliwag, San Rafael, San Ildefonso, San Miguel at Hagonoy.
Itatayo ang Norzagaray Modular Water Treatment Plant sa compound ng Metropolitan Waterworks and Sewerage System o MWSS sa barangay Bigte sa Norzagaray.
Dito matatagpuan ang bagong Tunnel 4 ng Angat Water Transmission Improvement Project na nagsimula ang operasyon noong 2020. Pinondohan ito ng 3.29 bilyong piso ng Asian Development Bank.
Kapag natapos ang proyekto sa taong 2023, makikinabang ang may 10 libong kabahayan na naninirahan sa mga barangay ng San Mateo at San Lorenzo sa 10 million liters per day na magiging kapasidad nitong Norzagaray Modular Water Treatment Plant.
Samantala, tiniyak ni MWSS Administrator Leonor Cleofas na ang proyektong ito ay isang obligasyon upang malasap na ng mismong mga tagarito ang tubig mula sa mga dam na katabi lang ng kanilang tinitirahan. (CLJD/SFV-PIA 3)
Sa lugar na ito sa loob ng Metropolitan Waterworks and Sewerage System Compound sa barangay Bigte sa Norzagaray, Bulacan itatayo ang isang Modular Water Treatment Plant. Ito'y upang masuplayan na ng tubig ang mga taga barangay San Mateo at San Lorenzo na naninirahan sa mga dam ng Ipo at Angat. (Shane F. Velasco/PIA 3)