No. of :

No. of Shares:

Currently viewed by: Marcus Rosit

2 dialysis machine, water treatment ipinagkaloob ng Rotary Club sa Marinduque

BOAC, Marinduque (PIA) -- Pormal nang ipinagkaloob ng Rotary Cub of Marinduque North ang dalawang dialysis machine at water treatment para sa pagtatayo ng hospital-based hemodialysis clinic sa lalawigan.

Mismong si Gov. Presbitero Velasco, Jr. ang dumalo sa gawain kasama ang mga opisyal mula sa Provincial Health Office, Department of Health at Marinduque Provincial Hospital.

"Kaisa ng lahat ng mamamayan sa Marinduque, malugod kong tinatanggap at pinasasalamatan ang Rotary Club of Marinduque North kasama ang lahat ng indibidwal at organisasyong nagsama-sama para magkaroon ng katuparan ang inisyatibong ito," pahayag ni Velasco.

Ayon pa sa gobernador, napakalaking tulong ng proyekto para sa mga dialysis patient dahil hindi na sila lulumuwas o magtutungo sa Lucena o National Capital Region para magpagamot.

Pormal na tinanggap ni Gov. Presbitero Velasco, Jr. mula kay Rosette Sotta, pangulo ng Rotary Club of Marinduque North ang prototype ng dalawang dialysis machine na ipinagkaloob ng kanilang samahan sa pamahalaang panlalawigan. (Larawan mula sa Marinduque Provincial Government)

"Tunay na kahanga-hanga at kapaki-pakinabang ang mga programang naisasakatuparan sa pangunguna ng Rotary Club. Maraming buhay na ang nabago sa pamamagitan ng kanilang mga makabuluhang gawain sa maraming komunidad sa bansa at sa buong mundo," dagdag ng punong lalawigan.

Ang nasabing mga equipment at water filtration machine na ipinagkaloob ng Rotary Club ay nagkahahalaga ng USD 47,500 o humigit P2.4 milyon.

Samantala, maglalaan ng karagdagang walong yunit ng dialysis machine ang Marinduque provincial government para maging mabilis ang dialysis session ng mga pasyente.

Inaasahan naman na bubuksan sa publiko ang naturang dialysis clinic sa unang quarter ng susunod na taon. (RAMJR/PIA MIMAROPA)

About the Author

Romeo Mataac, Jr.

Writer

Region 4B

Romeo is the information center officer of Philippine Information Agency-Marinduque.

Feedback / Comment

Get in touch