SOLANO, Nueva Vizcaya (PIA) - - Binigyan ng pagkilala at pagpupugay ang 20 pamilya na natulungan ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) at apat na indibidwal na nagtapos na natulungan ng Expanded Students Grants in Aid Program for Poverty Alleviations (ESGPPA) ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) kamakailan sa bayang ito.
Ayon kay DSWD 4Ps Provincial Link Belen Ong, ang mga 20 pamilya at apat na nagtapos ay bahagi ng mahigit 700 benepisyaryo ng 4Ps sa nasabing bayan.
Ayon kay Ong, mula sa dating kategorya ng mga 20 pamilya bilang 'Poorest of the Poor', sa kasalukuyan ay nasa estado na sila bilang ‘self-sufficient'.
Ayon naman kay Mayor Eufemia Dacayo, nagagalak ang buong lokal na pamahalaan dahil sa pagpupursige ng mga pamilya at estudyante upang maiangat ang kanilang buhay.
Dagdag pa ni Dacayo na handa ang lokal na pamahalaan na magbigay ng karagdagang tulong upang maging tuloy-tuloy ang pag-angat ng kabuhayan ng mga 4Ps beneficiaries sa bayan. (MDCT/BME/PIA Nueva Vizcaya)