ENRILE, Cagayan (PIA) - - Mas maayos na pagseserbisyo sa taumbayan ang ipinangako ng hepe ng Enrile Municipal Police Station matapos pasinayaan ngayong Rizal Day ang bago nilang istasyon.
Sa kanyang mensahe, ipinaabot ni Police Major Rodel Gervacio ang kanyang pasasalamat sa mga taong nasa likod nang mahusay na pagpapatayo ng nabanggit na gusali na kinabibilangan ng Pamahalaang Panlalawigan sa pangunguna ni Gob. Manuel Mamba, ang lokal na pamahalaan sa pangunguna ni Mayor Miguel Decena, at mga stakeholder na walang humpay na nagbibigay ng tulong.
Pinasalamatan din ni Gervacio ang gobernador sa pagbibigay ng mobile car na magagamit nila sa pagpapatrolya para maiwasan ang mga kriminalidad sa munisipyo.
Naging daan din ang aktibidad upang maidulog ng hepe ng istasyon ang iba pang mga kagamitan na kailangan ng isang opisina para sa isang mas mabilis at mas epektibong serbisyo para sa publiko.
Naging tagapagsalita at panauhing pandangal sa okasyon si Police Brig. Gen. Steve Ludan, regional director ng Police Regional Office (PRO)-2, kung saan binigyang-diin nito ang magandang ugnayan ng PNP, ng lokal na pamahalaan ng Enrile at ng Pamahalaang Panlalawigan.
Hinikayat naman ni Ludan ang publiko na manatiling sumunod pa rin sa mga health protocol dahil aniya ay nasa gitna pa rin tayo ng pandemya. Hinimok din nito na makibahagi ang lahat sa mga aktibidad ng PNP sa pagpapanatili ng kapayapaan at kaayusan ng buong lalawigan.
Sa kabilang banda, pinuri ni Mamba ang mahusay na pagganap ng kapulisan ng kanilang mga tungkulin at responsibilidad bilang mga public servant.
Aniya, ipagpapatuloy nito ang pagsuporta para sa lahat ng mga proyekto o programa ng kapulisan para sa ikabubuti ng komunidad sa pamamagitan ng pamimigay muli ng 45 mobile cars sa Cagayan Police Provincial Offfice (CPPO) sa susunod na taon.
Karagdagang apat na motorsiklo para sa Enrile PS naman ang ipinangako ni Decena na gagamitin ng Enrile PS sa pagpapatupad ng mga batas sa kanilang nasasakupan kung saan itinuring ng alkalde ang kapulisan na isa mga bagong 'Rizal' sa kasalukuyan.
"Kalakip ng pagdiriwang na ito, atin ding bigyang pagpupugay ang mga 'Rizal' sa ating panahon na siyang nagsakripisyo at nag-alay ng kanilang mga oras, lakas, karunungan, talento at buhay upang magkaroon ng liwanag at pag-asa na ating makakamit ang kalayaan mula sa mapanirang virus na bumago sa ating mga nakagisnang buhay at pamumuhay. Maraming salamat at mabuhay kayo," ani Decena.
Nagpaabot din ng pasasalamat si CPPO Provincial Director Police Col. Renell Sabaldica sa patuloy na pagsuporta ng iba't ibang ahensiya at organisasyon upang maisakatuparan ang bago at modernong tahanan ng pulisya dito sa bayan ng Enrile. (MDCT/PIA Cagayan)