LUNGSOD NG MALOLOS (PIA) -- Hinikayat ng Social Security System o SSS ang mga miyembro nito na gamitin nang husto ang uSSSap Tayo Portal upang maging mas madali ang pakikipag-ugnayan para sa anumang pangangailangan, nang hindi na kailangang sumadya pa sa mga branch nito.
Ayon kay SSS Luzon Central 2 Acting Senior Communication Analyst Julie Ann Arellano,isang Customer Relationship Management System ang binuong uSSSap Tayo Portal.
Nagsisilbi itong virtual one-stop shop dahil makikita rito ang lahat ng mga impormasyon na kailangan upang mapakinabangan ang iba’t ibang mga programa at serbisyo ng SSS.
Tutugon din ito sa mga madadalas o karaniwang tanong ng mga miyembro at magiging pamamaraan upang tumanggap ng mga karaingan o saloobin ng miyembro.
Ang sistema, direktang mai-endorso ng member communications assistance department ang ipapadalang customer feedback sa partikular na unit ng SSS na angkop na tutugon sa kanilang pangangailangan.
Madali ring makaka-access ang miyembro sa uSSSap Tayo Portal sa pamamagitan ng paggawa ng sariling account sa member portal ng cms.sss.gov.ph.
Kailangan lamang mag-log in na gamit ang username, password at gumawa ng ‘ticket’ base sa partikular na nais malaman ng isang miyembro ng SSS.
Dapat mai-click ang ‘captcha’ para sa web security at dito na maaaring masimulan kung ano ang estado ng pagiging miyembro ng SSS sa usapin ng records.
Mayroong tatlong bahagi ng uSSSap Tayo Portal gaya ng Knowledgebase Articles, Frequently Asked Questions at ang View and Submit Tickets.
Makikita sa Knowledgebase Articles ang mga gabay sa mga bagong miyembro ng SSS, mga impormasyon sa lahat ng mga programa at serbisyo ng SSS at mga proseso kung paano ito mapapakinabangan pati na ang mga dapat gawin kung may itatamang impormasyon ang isang miyembro.
Makakapanood din ng mga instructional videos para mas maintindihan ang mga proseso. (CLJD/SFV-PIA 3)
Tinatalakay ni Social Security System Luzon Central 2 Acting Senior Communication Analyst Julie Ann Arellano (kanan) ang mga pamamaraan upang mas epektibong magamit ng mga miyembro ang uSSSap Tayo Portal. (Shane F. Velasco/PIA 3)