LUNGSOD NG MALOLOS (PIA) -- Aabot sa halagang halos anim na milyong piso ang itinulong ng Department of Tourism o DOT sa apat na pangunahing proyekto para sa pagbangon ng turismo sa Bulacan.
Ayon kay Provincial History, Arts & Culture and Tourism Office Head Eliseo Dela Cruz, may 4.7 milyong piso ang Tourism Promotions Board para sa paglikha at paglulunsad ng isang Bulacan Tourism Official Promotional Videos and Posters.
Ipinaliwanag niya na higit pa ito sa pagkakaroon ng promotional videos o posters, kundi magbubukas ng maraming pagkakataon upang makalahok ang mga Bulakenyong singers and dancers, heritage workers, photographers and videographers, at iba’t iba pang nasa sektor ng turismo, sining at kultura.
May halaga namang 350 libong piso ang inilaan ng DOT para sa pananaliksik, pagbalangkas at paglilimbak ng Culinary Heritage of Bulacan.
Isa itong coffee table book na maglalaman ng mga kasaysayan, detalye ng paghahanda o pagluluto at katangian ng mga natatanging itinatampok na potahe at kalutong Bulakenyo.
Nakatakdang ilunsad ang may 500 kopya ng Culinary Heritage of Bulacan coffee table sa Abril ngayong 2022 bilang pagdiriwang ng Buwan ng Kalutong Pilipino.
Ang buwan ng Abril ay idineklara bilang National Food Month o Buwan ng Kalutong Pilipino.
Ipamamahagi ito sa mga culinary institutions, mga paaralan, kolehiyo at pamantasan, mga pampublikong aklatan at mga mga pamahalaang lokal sa Bulacan.
Magkakaroon din ng updated na cultural mapping sa Bulacan na gugugulan ng 482 libong piso na pinondohan ng DOT.
Ayon kay Dela Cruz, pormal na matutukoy dito kung saan-saang lugar sa Bulacan matatagpuan ang mga natatanging sagisag ng sining at kultura.
Magbubunsod ito upang maging mas madali na mapondohan kung may pangangailangan sa preserbasyon, pagpapalaganap at promosyon.
Habang ginagawa ang mga official video promotions at posters, at ang pagsasagawa ng cultural mapping, sasabayan ng pagkakaroon ng mga pagsasanay para maiangat ang antas ng mga nagtataguyod ng turismo.
Partikular dito ang Festival Management Training na binigyan ng 329 libong piso ng DOT.
Nasa 70 mga indibidwal na pawang mga nasa mga municipal city tourism offices at mga kolehiyo o pamantasan na may kursong turismo ang inaasahang lalahok dito.
Samantala, ipinahayag ni DOT Regional Director Carolina Uy sa kanyang pagharap sa Sangguniang Panlalawigan ng Bulacan para sa ratipikasyon ng ibinabang mga pondo, na handa ang ahensya na patuloy na umagapay sa pagbangon ng turismo sa lalawigan.
Gayundin ang pagtiyak na makabalik sa trabaho at hanapbuhay ang mga namamasukan sa mga tourism-related establishments bilang bahagi ng National Employment Recovery Strategy 2021-2022. (CLJD/SFV-PIA 3)
Humarap si Department of Tourism Regional Director Carolina Uy sa isang pagdinig ng Sangguniang Panlalawigan ng Bulacan kaugnay ng pagratipika sa mga pondong ibinaba ng ahensya para sa mga pangunahing proyekto ng Provincial History, Arts & Culture and Tourism Office. (Shane F. Velasco/PIA 3)