No. of :

No. of Shares:

Currently viewed by: Marcus Rosit

KASIMBAYANAN, inilunsad sa Camarines Norte

DAET, Camarines Norte (PIA) - - Inilunsad sa lalawigang ito ang programang Kawani, Simbahan at Pamayanan (KASIMBAYANAN) bilang bahagi ng Secure, Accurate, Free, and Fair (SAFE) national and local elections sa Agro-Sports Center ng kapitolyo ng lalawigan nitong Biyernes, Pebrero 18.

Pinangunahan ito ng Camarines Norte Police Provincal Office (CNPPO) at Commission on Elections (COMELEC), kaisa ang ibat-ibang mga kaugnay na ahensiya sa pagpapanatili ng maayos at tahimik na halalan.

Sa bahagi ng programa, isinagawa ang unity walk mula sa Central Plaza hanggang kapitolyo ng Camarines Norte na dinaluhan ng mga pinuno ng mga ahensyang itinalaga ng COMELEC at mga tumatakbong kandidato mula sa labindalawang bayan ng Camarines Norte.

Sinundan ito ng "interfaith prayer rally" at "peace covenant signing" na ginanap naman sa loob ng Agro-Sports Center.

(Mula kaliwa) Pinangunahan nina Provincial Director PCol Julius D Guadamor ng CNPPO, Provincial Election Supervisor Atty. Noriel P Bandiola ng COMELEC at Brigade Commander Col Edmundo G Peralta ng 902nd IB, 9ID ng Philippine Army (PA) ang pagsindi ng SAFE candles sa isinagawang paglulunsad ng Kawani, Simbahan at Pamayanan (KASIMBAYANAN) para sa Secure, Accurate, Free, and Fair National and Local Elections (SAFE NLE) sa Camarines Norte. (PIA5/Camarines Norte)

Tampok sa naturang gawain ang pagsindi ng kandila at pagdikit ng SAFE 2022 pin bilang simbolo ng pangangalaga at proteksyon ng integridad ng bawat botante para sa halalan.

Sinundan ito ng paglagda ng Pledge of Commitment kung saan lahat ng pinuno ng mga ahensiyang kasapi ng nasabing programa ay sabay sabay nanumpa at lumagda. Matapos nito, isa-isa namang nanumpa at lumagda ang mga kandidato sa Integrity Pledge.

Sa huling bahagi ng programa ay nagkaroon ng pagpapalipad ng mga puting kalapati kung saan ito ay sumisimbolo ng pag-asa, katapatan, kadalisayan at pagmamahal.

Ayon kay Provincial Director PCol Julius D Guadamor ng CNPPO, layunin ng aktibidad na masiguro na ang bawat mamamayang Pilipino ay makaboto,  magkaroon ng mapayapang eleksiyon, magkaroon ng karapatang mamili ng mamumuno sa  lalawigan at bansa.  

Sinisiguro rin ng opsiyal na babantayan ng mga otoridad ang karapatan ng mamamayan upang maging maayos ang gaganaping halalan.

Nagpasalamat rin ang opisyal sa suporta at pakikilahok ng mga ahensya ng gobyerno kaisa ang ibat-ibang lingkod bayan advocacy groups upang maging matagumpay ang programa. (PIA5/Camarines Norte)

About the Author

Reyjun Villamonte

Job Order

Region 5

Feedback / Comment

Get in touch