LUNGSOD NG MALOLOS (PIA) -- Nagsimula na ang konstruksyon ng bagong Malolos Circumferential Road.
Matatagpuan ang unang bahagi nito sa panulukan ng Blas Ople Road at Malolos-Paombong-Hagonoy Road sa barangay Anilao.
Ayon kay Department of Public Works and Highways o DPWH Bulacan First District Engineer Henry Alcantara, nasa 113 milyong piso ang inisyal na nagugugol sa proyekto na isang multi-year program. Ibig sabihin, pinopondohan ng taunang pambansang badyet.
Ito ang pinakabagong road access sa lungsod mula nang magawa ang Blas Ople Road noong taong 1999, na nagbukas ng bagong ruta mula sa Malolos patungo sa Paombong at Hagonoy.
Sa pagkakaroon ng Malolos Circumferential Road, mapapaluwag nito ang daloy ng trapiko sa kabayanan ng lungsod at mabubuksan ang bagong daan patungo sa timog-kanluran ng Malolos.
Mula sa barangay Anilao, tatahak ito sa mga barangay ng Sto. Nino, San Juan at Sto. Cristo.
Bukod sa paglalatag para sa dalawang linyang kalsada, natapos na ang konstruksyon ng unang tulay dito na nasa sitio Pulo sa barangay Anilao.
May halagang 10 milyong piso ang nailaan para rito. Target na inisyal na mabuksan ang bagong daan ngayong taong 2022.
Isa ang Malolos Circumferential Road sa siyam na mga bagong access roads na nakalinyang ipagawa at matapos pagsapit ng taong 2030.
Ayon kay Malolos City Mayor Gilbert Gatchalian, malaking bagay ang suporta ng DPWH upang maisakatuparan ito dahil hindi kakayanin kung pondo lamang ng pamahalaang lungsod.
Bukod sa ginagawang bagong circumferential road, mayroon ding gagawin na Guinhawa-Bulihan Diversion road. Isa pa itong magiging bagong daan mula sa Mac Arthur Highway papunta sa Paombong at Hagonoy.
Prayoridad din sa mga bagong daan ang pagkakabit ng Balite-Santor Bypass Road at Balite-Mambog Diversion Road.
Ang gagawing Sumapang Bata-Barihan Diversion Road at Maunlad-Barihan Road ay magpapaluwag sa Malolos-Plaridel Road.
Plano ring magbukas ng direktang kalsada papuntang North Luzon Expressway o NLEX mula sa Malolos sa pamamagitan ng Ligas-Barihan Road.
Iba pa rito ang pagpapahaba ng Ligas Road sa pamamagitan ng bagong Ligas-Bungahan Road na malapit sa Sta. Rita Exit ng NLEX.
Bubuhayin naman ang nawawalang kalsada mula sa Bulacan Polytechnic College papunta sa Felicisima. Tatahak ito sa magiging Bulacan Cyber Park at Bulacan State University-Malolos Annex Campus. (CLJD/SFV-PIA 3)
Nagkakahugis na ang magiging bagong Malolos Circumferential Road na nag-uumpisa sa panulukan ng Blas Ople Road at Malolos-Paombong-Hagonoy Road sa barangay Anilao. (Shane F. Velasco/PIA 3)