DAET, Camarines Norte (PIA) - - Tampok ang libreng medical at dental services sa isinagawang “Ayuda sa Kababaihan” bilang bahagi ng pagdiriwang sa Buwan ng mga Kababaihan ngayong Marso na ginanap sa Kalayaan Park sa lalawigang ito.
Ayon kay Cynthia R. Dela Cruz, acting PSWD officer, kabilang sa mga kababaihan na nag-avail ng mga libreng serbisyo ay mga empleyado ng kapitolyo, lokal na pamahalaan, mga miyembro ng Kalipunan ng Liping Pilipina (KALIPI), mga may kapansanan, at mga pulis.
Aniya, ngayong taon ay ginugunita ng mga kababaihan ang tagumpay na kanilang nagawa at ito rin ang panahon na pinag-uusapan ang mga isyu sa women empowerment and gender equality.
Sa panayam, ipinahayag ni Acting PDWSO Cynthia R. Dela Cruz ng pamahalaang panlalawigan ang mga aktibidad sa lalawigan ng Camarines Norte kaugnay sa pagdiriwang ng National Women’s Month Celebration sa buwan ng Marso. (PIA 5/Camarines Norte)
Ang mga kababaihan ay nabigyan ng libreng checkup para sa kanilang kalusugan ganundin ang mga mayroong problema sa ngipin na tumanggap ng libreng bunot.
Binigyan rin sila ng mga bitamina at gamot ganundin ang libreng gupit at pagpapaganda ng kanilang mga sarili.
Maliban dito tumanggap ang may 200 kababaihan ng food pack mula sa pamahalaang panlalawigan.
Samantala, bahagi ng mga aktibidad na isasagawa ngayong hapon, Marso 8, ay ang opening/ribbon cutting ng Photo and Art Exhibit na gaganapin sa SM City Daet.
Ang ibang mga gawain ay sa pamamagitan ng webinar katulad ng Hybrid Forum on Women’s Reproductive Health, Psychosocial, Family Planning, HIV Awareness and Responsible Parenthood; Online Spoken Word Poetry; Symposium on GAD; at virtual serminar on Urban Gardening.
Magkakaroon rin ng Online Tiktok Challenge, online poster making contest at vlog making contest para sa "Natatanging Juanang May K".
Ang mga mananalo sa vlog contest at patimpalak sa ibat-ibang kategorya ng "Natatanging Juanang May K" ay paparangalan sa pamamagitan ng programang "Talakayan sa PIA" sa Marso 26.
Gaganapin naman sa Marso 21-25 ang Girl Child Week/Protection and Fair Treatment of Girl Child at mayroon ring programa sa Radyo Pilipinas tungkol sa Gender and Development (GAD)
Samantala, sa Marso 28 ang Women with Disability Day ay magkakaroon ng parangal sa "Natatanging Nanay".
Sa Marso 30 nman ang Women’s Achievement Day at magtatapos sa isang Symposium on Pillars of Justice na pangungunahan ng Provincial Prosecutors Office (PPO) at ng Department of Justice (DOJ) sa Marso 31. (PIA 5/Camarines Norte)