LEGAZPI CITY, Albay (PIA) - - Mahigpit na ipinagbabawal ang pagpasok ng mga kabataang may edad 20 pababa, at mga opisyal at kawani ng pamahalaan sa mga online sabong kiosks o betting stations, ayon sa Albay Police Provincial Office (APPO).
Pinangunahan ni Albay Police Provincial Office OIC PCol Bryan T. Tabernilla ang press conference para sa ceremonial posting ng “No minors allowed” notice sa mga betting and gaming stations sa lalawigan sa layuning mapalawak ang kaalaman sa mga batas at polisiya na nagsasaklaw sa mga ito. (Kuha ni Christian Berjuega, BU intern)
Naglagay ang mga pulis ng karatulang “No Minors Allowed” sa mga patayaan at pasugalan sa lalawigan bilang bahagi ng pagpapalawak ng kaalaman hindi lamang para sa mga may-ari at operator kundi pati na rin sa mga kabataan na sila ay hindi pinahihintulutan ng batas na maugnay sa anumang uri ng sugal.
Layunin din nitong mapaalalahanan ang mga opisyal at empleyado ng gobyerno na sila ay pinagbabawalan na pumunta sa mga pasugalan.
“Tahasang ipinagbabawal sa lahat ng gaming stations ang pagpapapasok sa mga menor de edad alinsunod sa Presidential Decree 1869 na kilala bilang PAGCOR Charter. Ang Malacanang Circular no. 6 ay nagbabawal naman sa mga opisyal ng gobyerno at mga manggagawa nito na pumasok sa mga gambling casino,” ayon kay APPO OIC PCol Bryan T. Tabernilla.
Dagdag pa nya, ang pagsasagawa ng nasabing programa ay isa ring joint responsibility sa pagitan ng komunidad, mga pulis at mga may-ari ng betting stations.
“Buo ang paniniwala ng Albay Kasurog Cops na sa pamamagitan ng pagpapaabot ng sapat na kaalaman, lahat ng tao ay magiging mulat at mailalayo sa pagkasangkot sa anumang uri ng iligal na gawain tulad ng sugal,”ani Tabernilla.
Nagsagawa rin ng surpise inspection sa mga gaming station upang matiyak na mahigpit nilang ipinatutupad ang nasabing polisiya at upang hingin ang kanilang kooperasyon at suporta. (SAA/PIA Albay – ulat mula kay Lesley Mae Betis, BU intern)