LEGAZPI CITY, Albay (PIA) - - Nakatakdang ipatupad sa Bicol Regional Training and Teaching Hospital (BRTTH) ang makabagong pamamaraan sa paggamot at pagtanggal ng tumor sa utak sa tulong ng Academy of Filipino Neurosurgeons Inc. (AFNI) at Society of board-certified Neurosurgeons of the Philippines.
Ipinaliwanag ni Dr Lynne Lourdes Lucena, AFNI vice-president at BRTTH neurosurgeon, ang benepisyo ng Endoscopic Transnasal Transphenoidal Approach sa isinagawang press conference nitong nakalipas na linggo.(Rachel Mae Belgica, BU intern)
Ayon kay Dr. Lynne Lourdes Lucena, AFNI vice-president at BRTTH neurosurgeon, ito ang Endoscopic Transnasal Transphenoidal Approach na maaaring gawin sa mga pasyente na may tumor sa brain area gamit ang endoscope.
“Ang mga pasyente na may sellar lesion tulad ng pituitary adenoma (tumor) ay maooperahan gamit ang endoscope na daraan sa ilong,” ani Lucena.
Dagdag nya, malaking tulong ito sa mga Bicolano upang hindi na lumuwas pa sa Manila para lamang magpagamot.
Bilang panimula, nagsagawa ng isang araw na blended learning session ang mga ekespertong doktor tampok ang live demo surgery.
Sa tulong ng endoscopic experts ng MMV at kooperasyon ng BRTTH ay inaasahang makakapagbigay sa publiko ng subok at kalidad na makabagong teknolohiya at serbisyo sa abot kayang halaga. (Ulat ni Lesley Mae Betis, BU intern/ PIA5/ Albay)