No. of :

No. of Shares:

Currently viewed by: Marcus Rosit

Kaalaman sa fire prevention pinalawak pa sa mga kabataan, negosyante

LUNGSOD NG SORSOGON, Sorsogon (PIA) – Tinutukan ngayong taon ng Bureau of Fire Protection (BFP) Sorsogon City Central Fire Station ang pagpapaigting at pagpapapalawak ng kaalaman ng mga kabataan at mga negosyante ukol sa mga fire related incident kaugnay ng pag-obserba ng Fire Prevention Month ngayong Marso.

Ayon kay Acting City Fire Marshal Senior Inspector Dan Romulo A. Caceres, malaki ang maiaambag ng mga kabataan sa kampanya sa pagsugpo sa sunog sa mga komunidad at ng mga negosyante particular sa pagsunod sa Fire Code of the Philippines.

“Sa kick-off ceremony noong unang araw ng Marso ay nagsagawa kami ng mga mass media campaign upang mapataas ang antas ng kaalaman ng publiko ukol sa fire safety tips,” pahayag ni Caceres.

Aniya, nakapagsagawa na rin sila ng iba’t-ibang mga patimpalak para sa mga kabataan tulad ng essay writing contest, poster-making contest at quiz bee sa ilalim ng temang: "Sa pag-iwas sa sunog, hindi ka nag-iisa".

“Dito ay inimbitahan namin ang halos lahat ng mga paaralan sa lungsod ng Sorsogon," dagdag nito.

Tampok din sa kanilang aktibidad ang Business Fire Prevention Forum na tatalakay sa mga paalala at mga pamantayan na nakapaloob sa Republic Act No. 9514 o ang Revised Fire Code of the Philippines of 2008. Layunin nitong mapalawak pa ang kaalaman ng mga nasa sektor ng kalakalan sa mga probisyong nakasaad sa batas at upang maiwasan ang pagkakaroon ng mga multa at bayarin.

Sa pagtatapos ng fire prevention month, mayroon ding nakahandang aktibidad ang BFP Sorsogon City upang matiyak ang ligtas na halalan sa Mayo 2022.

“Mayroon din kaming aktibidad para sa nalalapit na eleksyon kung saan nag-imbita kami ng dalawang tauhan sa bawat voting precinct para sa gagawing simultaneous safety lecture at fire drill para sa kanila. Layunin nitong bigyan sila ng sapat na kaalaman kung sakaling magkaroon ng sunog, lindol at iba pang mga sakuna,” pahayag pa ni Caceres.

Nanawagan din ang opisyal sa publiko na makilahok at bigyang panahon ang sarili na magkaroon ng malawak na kaalaman dahil sa sunog hindi sila nag-iisa.

Samantala, sa rekord ng BFP Sorsogon City, tatlong sunog ang naitala nila noong nakaraang taon habang isang sunog lamang ang naitala nila mula Enero 2022 hanggang sa kasalukuyan. (BAR/PIA/Sorsogon)

Kampanya sa pag-iwas sa sunog mas pinalawak pa sa mga kabataan at negosyante ng BFP Sorsogon City Central Fire Station sa pamumuno ni Acting Fire Marshal SInp. Dan Romulo A. Caceres. (PIA5/Sorsogon)

About the Author

Benilda Recebido

Information Center Manager

Region 5

Benilda "Bennie" Recebido is the Information Center Manager of PIA Sorsogon.

Feedback / Comment

Get in touch