DAET, Camarines Norte, Marso 15 (PIA) – Inilunsad ng Office of the Provincial Agriculture (OPAg) ng lalawigang ito ang Corn Varietal Derby para maitaas ang produksiyon ng mais sa lalawigan.
Katuwang ng OPAg sa nasabing aktibidad ang mga pribadong kompanyang Bayer, Pioneer at Syngenta kasama ang mga magsasaka mula sa bayan ng Daet, Mercedes, Vinzons, San Lorenzo Ruiz at Labo.
Ayon kay Engr. Almirante A. Abad, provincial agriculturist, ang Corn Varietal Derby ay isang promotional at technology demonstration upang maipakita sa mga magsasaka ang ibat-ibang teknolohiya at tamang paraan sa pagtatanim ng mais.
Aniya sa paraang ito ay makakapagdesisyon ang mga magsasaka kung ano ang akmang teknolohiya na marapat gawin sa pagtatanim at kung ano ang wastong uri ng mais na dapat itanim.
Itatakda naman ang monitoring sa pagkuha ng mga datos o Agro EcoSystem Analysis (AESA) na gagawin tuwing linggo sa pag-uumpisa ng pagtatanim nito upang malaman kung papaano ang pagtubo ng mga naitanim bukod sa dami ng ani at kita mula rito.
Naglaan naman si Engr. Jonah G. Pimentel, isang farmer cooperator, ng tatlong ektarya para gawing "demo-farm" kung saan isasagawa ng mga magsasaka ang mga paraan at rekomendadong teknolohiya ng mga kumpanya.
Nitong taong 2021 ay mayroong 448.05 ektarya ang nataniman na mais ng mga magsasaka, mababa ng halos 20.84% noong 2020 na 566 ektarya.
Batay sa datos, nakaapekto sa pagbabang ito ang sunod-sunod na mga bagyo at pamemeste ng Fall Army Worm (FAW) na sumira sa mga pananim ng mga magsasaka na nagdulot naman ng pagkalugi sa nakalipas na taon.
Inaasahan ng pamahalaang panlalawigan na sa pagsasagawa ng Corn Varietal Derby ay muling mahihikayat ang mga magsasaka na magtanim ng mais at mapataas ang kanilang produksiyon, at magkaroon ng magandang kita.
Ang lalawigan ng Camarines Norte ay mayroong apat na corn clusters o samahan ng mga magsasaka ng mais, ito ay ang Paracale Camarines Norte Norte Corn and Cassava Farmers Association, Labo Corn Producers Farmers Association, Daet Corn Growers Association at Ambos Camarines Agriculture Cooperative. (PIA 5/OPAg/Camarines Norte)