Mga nagwagi sa essay at poster making contest ng DTI-OrMin, pinarangalan
LUNGSOD NG CALAPAN, Oriental Mindoro (PIA) – Pinarangalan ng Department of Trade and Industry (DTI) ang mga nagwagi sa katatapos na patimpalak na World Consumer Rights Day 2022 Essay Writing at Poster Making Contest na may temang ‘Fair Digital Finance’ na kinalahukan ng mga estudyante ng junior at senior high school kamakailan.
Ginanap ang nasabing parangal sa Negosyo Center ng DTI sa lumang City Hall sa Barangay Ibaba East sa lungsod na ito, na pinangunahan ni DTI Provincial Director (PD) Arnel Hutalla.
“Ako’y humahanga sa galing at talento ng mga kabataang lumahok dahil ipinakita nila sa pamamagitan ng kanilang imahinasyon at pag-iisip kung ano ang kasalukuyang sitwasyon ng mundo sa tinatawag natin na ‘Digital Age' at kung paano nila ito isinalarawan sa paraan ng pagsusulat at pag guhit sa papel,” sinabi ni Hutalla sa kanyang mensahe.

Sa siyam na estudyanteng kalahok, anim ang pinalad na nakakuha ng gantimpala. Ang sumungkit ng unang pwesto kalakip ang P6,000 pa-premyo na pinamagatang, “Unleashing Fair Digital Banks and the Rise of Financial Inclusion” nina Joan O. Ciaseco at Francis Noble III ng Nag-iba National High School sa lungsod. Pumangalawa naman ang “The Hand that Consumes” nina Lovely Elaine Matre at Ma. Theressa R. Salinas ng Oriental Mindoro National High School na may kasamang P4,000 at ikatlo ang may entry na “In the Expense of E-Rights: Shedding Light to the Entitlement of Consumers Who Navigate the New Digital Market” ni Faye Loiuse C. Oller at Lara Nicole B. Carpio ng Oriental Mindoro National High School at P3,000 premyo.

Samantala, ilan sa mga napiling hurado ay si Mark Joseph Panganiban, isang e-Commerce at Fintech Expert, Philippine National Bank Calapan City Manager Liberty Medes, Marlou Roderos – Division Education Program Supervisor ng Araling Panlipunan mula sa DepEd Calapan City, Dr. Luis Cueto – Information Center Manager ng Philippine Information Agency Oriental Mindoro at DTI Provincial Director Arnel Hutalla na nagbigay ng mga mensahe sa mga nagwagi.
Sinabi ni Dr. Cueto, “Sana sa mga susunod na patimpalak tulad nito ay isama na natin ang iba pang mga mag-aaral sa high school mula sa 14 pang mga bayan sa lalawigan para mas lalo pa silang mahasa at balang araw ay maging daan pa ito upang makilala ang mga estudyanteng Mindoreňo na hindi lang matatalino kundi malikhain pa.”

Nagpasalamat din ang mga partisipantes sa kanilang mga coach, sa DTI-Oriental Mindoro at Department of Education sa oportunidad at maganda nitong adbokasiya na palawakin ang kaalalaman ng mga kabataan sa larangan ng mga makabagong teknolohiya at sa pagkakataon na maipamalas nila kanilang angking galing sa paguhit at pagsusulat. (DN/PIA-OrMin)