SAN FERNANDO CITY, April 13 (PIA) -- Ngayong Semana Santa, isa sa tradisyon ng mga Pilipino ay ang pagpasan ng krus habang naglalakad sa ilalim ng araw.
Sa La Union, pinangunahan ng La Union Police Provincial Office ang re-enactment ng labing-apat na Station of the Cross nitong Miyerkules Santo.
Nakibahagi rin ang nasa isandaang mga kawani ng gobyerno, pribadong sektor, at religious groups.
Tampok din sa prusisyon ang imahe ng Poong Nazareno na bumaybay sa mga kalsada ng siyudad ng San Fernando. Nagsimula ito sa St. William the Hermit Cathedral at nagtapos sa Our Lady of Fatima Chapel sa loob ng Camp Diego Silang.
Ayon kay Reverend Father Alexander Pardo, provincial chaplain, inilalarawan nito ang pagkakaisa ng mga residente sa isang seremonyang panrelihiyon.
“This is the first time that happened here in La Union Police Provincial Office which the main operator is the PNP itself. This is very relevant and substantial because this is the first time that the oneness in faith of all the government agencies will become united," ani Pardo.
Pinangunahan ng hanay ng kapulisan sa La Union ang pagsasadula ng pagpasan ng krus ni Hesukristo noong ika-13 ng Abril 2022. (JPD)
Pagkakaisa rin ang panawagan ni PCOL Jonathan G. Calixto, ang hepe ng pulisya, para sa nalalapit na election.
“Sana this coming election, La Union will be the most peaceful province. Kaya magtulong-tulong tayo. Reflect kung ano ang ginawa Niya at gawin din natin para sa ating probinsiyang La Union," saad niya.
Dagdag pa niya, magsilbi sanang inspirasyon para sa lahat ang sakripisyo ni Hesus at ilapat ang aral nito sa ating mga buhay. (JCR/JPD, PIA La Union)