LUNGSOD NG CALAMBA (PIA) – Muling inilapit ng pamahalaan ang mga pangunahing serbisyo nito sa ginanap na Duterte Legacy: Barangayanihan Caravan Towards National Recovery sa lungsod na ito noong Martes, Abril 12.
Nagsama-sama ang mga ahensya ng pamahalaan sa Camp Gen. Vicente Lim upang magbigay ng kanilang mga serbisyo tulad ng PhilSys ID Registration ng Philippine Statistics Authority, Job Fair ng Laguna Provincial Employment Service Office (PESO), Registry System for Basic Sectors in Agriculture (RSBSA) ng Department of Agriculture, at live skills demo ng TESDA CALABARZON.
Nagbigay rin ang Department of Health (DOH) ng libreng serbisyong medikal at bakuna kontra Covid-19 at pneumonia, habang mas pinadaling aplikasyon sa National Police Clearance System naman ang inihatid ng Philippine National Police (PNP) sa publiko.
Bukod sa mga serbisyong patuloy na ibinibigay ng pamahalaan, namahagi rin ang Department of Labor and Employment (DOLE)-Laguna ng P2,095,352 halaga ng Grant Assistance sa ilalim ng programa nitong Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged/Displaced Workers.
Kabilang sa mga naging benepisyaryo nito ang isang Person With Disability (PWD), single parent, at isang housewife.
Ayon kay PNP Focal Person, PLTGEN. Rhodel Sermonia, ang layunin ng Duterte Legacy Caravan na mailapit ang mga serbisyo at programa ng pamahalaan maging sa mga barangay.
“Ito ay simbolo na magkakaroon tayo ng iba’t ibang Duterte Legacy Caravan hanggang sa pinakamababang lebel ng ating lipunan, tulad ng mga barangay, siyudad, munisipalidad at iba’t ibang probinsya,” ani Sermonia.
Bukod sa mga serbisyo ng pamahalaan, binuksan rin ang Duterte Legacy Caravan sa mga sumukong rebelde kung saan nila maaaring ibahagi ang kanilang mga naging karanasan bago sumuko sa pamahalaan.