No. of :

No. of Shares:

Currently viewed by: Marcus Rosit

Election Monitoring Action Center ng 84th IB, naka-alerto sa pagbabantay halalan

LUNGSOD NG SAN JOSE (PIA) – Naka-alerto na ang Election Monitoring Action Center ng Army- 84th Infantry Battalion para sa pagdaraos ng National and Local Elections sa Lunes, Mayo 9.


Ayon kay 84th IB Commanding Officer Lieutenant Colonel Enrico Gil Ileto, hangad ng itinatag na EMAC na mapaigting ang pagbabantay sa kasalukuyang sitwasyon at kaganapan sa mga polling centers at mga lugar na nasasakupan ng hanay.


Ito aniya ay hakbang ng tanggapan upang masiguro na naibibigay ang mahusay, mabilis at mabisang serbisyo ng mga kasundaluhan bilang agapay sa mga mamamayan at mga katuwang na ahensiya ng pamahalaan na nagbabantay sa buong proseso ng eleksiyon tulad ng mga kapulisan at Commission on Elections.

Nakatutulong ang mga impormasyon nakakalap ng EMAC sa deployment ng mga kasundaluhan partikular sa eksaktong lokasyon ng nasa 700 polling center na nasasakupan ng 84th IB mula sa Alfonso Castañeda, Nueva Vizcaya at lahat ng mga bayan at siyudad sa Nueva Ecija maliban sa Bongabon, Laur at Gabaldon na sakop naman ng 91st IB.

Sa pamamagitan ng EMAC ay mas pinadali ang komunikasyon mula sa headquarters ng 84th IB hanggang sa mga yunit na nakadeploy sa quick reaction team na matatagpuan sa mga munisipyo at siyudad nang sa gayon ay agad na makatutugon ang mga kasundaluhan sa anumang uri ng sitwasyon.

May nakaantabay namang generator set sa 84th IB EMAC gayundin ay may gamit na satellite phones at military radio ang mga kasundaluhan kung sakaling mawalan ng kuryente upang matiyak ang tuloy-tuloy na pagbabantay sa halalan.

Pahayag ni LTC Ileto, ang lahat ng personnel na aabot sa 900 kasundaluhan at CAFGU o Citizen Armed Force Geographical Unit ng 84th IB ay naka-alerto na sa pagbabantay sa kaayusan at seguridad ng kabuuang halalan.

Sa kasalukuyan ay wala pang anumang insidente o kaguluhang naiuulat ang hanay na may kaugnayan sa eleksiyon.

Kabilang sa mahigpit na binabantayan tuwing panahon ng eleksyion ay ang mga siyudad at bayan na sakop ng 4th District sa Nueva Ecija na kung saan dinagdagan ng 84th IB ang deployment ng squad, armored vehicle at K9 unit.

Ang panawagan ni LTC Ileto sa lahat ay huwag matakot kung makasalubong o makakita ng mga kasundaluhan sa mga lokalidad dahil nariyan ang hanay para magbantay sa kaayusan at kapayapaan ngayong buong panahon ng halalan.

Gayundin ay matiyak ang kaligtasan ng lahat ng mga botante na magtutungo sa mga polling center upang maipahayag ang karapatang lumahok sa eleksiyon.

Para sa mga may nais idulog ay bukas ang linya ng telepono ng 84th IB EMAC sa himpilang 0965-635-9735. (CLJD/CCN-PIA 3)

Ibinahagi ni 84th Infantry Battalion Commanding Officer Lieutenant Colonel Enrico Gil Ileto ang kahandaang ng hanay kabilang na ang pagtatatag ng sariling Election Monitoring Action Center bilang hakbang sa pinaigting na pagbabantay kapayapaan at seguridad ngayong buong panahon ng halalan. (Photo by: Camille Nagaño)

About the Author

Camille Nagaño

Writer

Region 3

Feedback / Comment

Get in touch