No. of :

No. of Shares:

Currently viewed by: Marcus Rosit

Halalan 2022, mapayapang idinaos sa Nueva Ecija

LUNGSOD NG CABANATUAN (PIA) -- Maituturing na generally peaceful ang pagdaraos ng National and Local Elections 2022 sa Nueva Ecija.
 
Ito ang ipinahayag ni Nueva Ecija Provincial Election Supervisor Atty. Fernando Cot-om na nagsabing lahat ng mga polling precinct sa lalawigan ay gumana maliban na lamang sa ilang mga Vote Counting Machines o VCM na nagka-aberya noong mismong araw ng halalan.
 
Aniya, sa humigit 2,000 VCM na ginamit sa lalawigan ay nasa 27 ang nasira at limang SD cards, na kinakailangang isaayos sa pamamagitan ng pagsunod sa tamang proseso at naging dahilan ng kaunting delay sa electronic transmission ng mga boto mula sa ilang munisipyo hanggang sa Provincial Board of Canvassers.
 
Pareho din ang pahayag ni Nueva Ecija Police Acting Provincial Director Colonel Jess Mendez sa matagumpay at mapayapang pagdaraos ng halalan sa lalawigan.
 
Sa kabila aniya ng naitalang magkahiwalay na insidente sa bayan ng General Tinio at San Antonio ay masasabing generally peaceful ang kabuuang pagsapit ng araw ng halalan sa lalawigan. 
 
Sa General Tinio ay nagkaroon ng tensiyon sa pagitan ng mga supporters ng mga lokal na kandidato na nagresulta sa shooting incident at pagkaaresto sa 24 na indibidwal. 
 
Sa San Antonio naman ay ang nangyaring standoff at pagkakumpiska ng mga armas at pagkaaresto sa mga indibidwal na kinabibilangan ni Incumbent Mayor Arvin Salonga. 
 
Pahayag ni Mendez, agad namang nabigyang solusyon ang mga insidenteng ito sa pamamagitan ng mabilis ng pagresponde ng mga kapulisan. 
 
Aniya, naghandang mabuti ang kapulisan para sa pagdaraos ng eleksiyon na ipinatupad kung ano ang tama sa mga nangyaring sitwasyon. 
 
Samantala, lubos ang pasasalamat at pagkilala ng Commission on Elections Nueva Ecija sa mga katuwang na ahensiya ng pamahalaan mula sa mga kapulisan, kasundaluhan sa pagbabantay seguridad at kapayapaan.
 
Gayundin ang mga guro at technician na nagtiyaga sa buong proseso ng botohan at ang suporta mula sa mga pribadong tanggapan na tumulong upang maidaos ng mapayapa ang halalan sa lalawigan. (CLJD/CCN-PIA 3) 

Ang pasasalamat at pagkilala ni Nueva Ecija Provincial Election Supervisor Fernando Cot-om sa tulong at suporta ng mga katuwang na ahensiya ng pamahalaan mula sa mga kapulisan, kasundaluhan, mga guro, technician, at pribadong organisasyon sa naging mapayapa at maayos na pagdaraos ng 2022 National and Local Elections sa lalawigan. (Camille C. Nagaño/PIA 3)

About the Author

Camille Nagaño

Writer

Region 3

Feedback / Comment

Get in touch