BAGUIO CITY (PIA) -- Inirekomenda ng Food and Drug Administration - Cordillera (FDA-CAR) sa Regional Bantay Asin Task Force (RBATF) ang pag-monitor sa mga producers o suppliers ng asin na idinideliber sa rehiyon.
Sa ginanap na Joint Regional Nutrition Committee, Regional Technical Assistance on Nutrition, at RBATF virtual meeting nitong May 18, inihayag ni Saturnina Pandosen mula sa FDA-CAR na mainam na mabantayan ang mga supplier ng asin upang mapataas ang compliance ng rehiyon sa Republic Act 8172 o ASIN law.
Sa ilalim ng ASIN law o Act for Salt Iodization Nationwide, kailangang iodized ang lahat ng food-grade salt para sa human at animal consumption.
Binanggit ni Pandosen na sa Baguio City, may dalawang supplier na binigyan ng FDA ng palugit hanggang sa katapusan ng Mayo upang tumalima sa naturang batas.
"Kung ma-regulate natin 'yan, hopefully tataas 'yung ating compliance pa ... Kung hindi talaga siya makapag-comply, then we will issue, wala tayong puwedeng gawin, although medyo matagal, ay bigyan na natin ng report of violation," saad ni Pandosen.
Inirekomenda rin aniya ng inspector nila ang pagbigay ng license to operate sa Benguet Salt Iodization Plant dahil wala pa umano itong lisensiya.