LUNGSOD NG MEYCAUAYAN (PIA) -- Pinasinayaan na ang bagong tayong city hall ng Meycauayan.
Itinayo ito sa 6,000 square meters na lupa na nabili ng pamahalaang lungsod sa barangay Salusoy na nasa gilid ng Manila North Road at ilang hakabang lamang sa itinatayong istasyon ng North-South Commuter Railway.
Ayon kay Bulacan 4th district representative at Mayor-elect Henry Villarica, tatlong aspeto ang inaasahan sa pagtatayo nito sa mismong sentro ng lungsod.
Una ang maging “magnet for development” na makakahikayat pa ng mas maraming mamumuhunan, makapagdagdag ng value added benefits sa paligid nito at maihanda ang Meycauayan tungo sa pagiging highly urbanized city.
Taong 2017 nang pasimulan ang proyekto sa unang termino ni Henry sa pamamagitan ng 499 milyong piso na sariling pondo ng pamahalaang lungsod.
Sa panunungkulan naman ni Outgoing Mayor at Bulacan 4th district representative-elect
Linabelle Ruth Villarica, may karagdagan pang 500 milyong piso ang ipinahiram ng Land Bank of the Philippines upang makumpleto ito.
Binigyang diin naman ni Justice Secretary Menardo Guevarra, ang panauhing pandangal sa pagpapasinaya, na hindi lamang bayaran ng buwis at multa o kuhanan ng mga permits at prangkisa ang city hall.
Para sa kanya, bukod sa pagiging sentro ng kapangyarihan ng isang lungsod o bayan, nagsisilbing malaking control room ang city hall sa dapat na maging direksiyon ng Meycauayan.
Sumasalamin din aniya ang katayugan, kaayusan at kalinisan ng bagong gusali na nasa mabubuting mga kamay ang lungsod.
Kaya’t kitang kita ang kaluwagan ng mga espasyo lalo na sa mga tanggapan na may frontline services gaya ng pinagtabi-tabing Pasalubong Center, Negosyo Center, Business One Stop Shop at mga tanggapan sa accounting, badyet, assessor at treasurer na inilagay sa unang palapag.
Nasa ikalawang palapag ang Session Hall ng Sangguniang Panglungsod, tanggapan ng kalihim ng sanggunian, mga tanggapan ng mga konsehal, general services at city engineering.
Sa ikaapat na palapag naman matatagpuan ang Mayor’s Office habang iaabang ang ikatlo at ikalimang palapag kung may mga tanggapan mula sa pamahalaang nasyonal na nangangailangan ng espasyo. (CLJD/SFV-PIA 3)
Pinasinayaan na ang bagong tayong city hall ng Meycauayan.(Shane F. Velasco/PIA 3)