No. of :

No. of Shares:

Currently viewed by: Marcus Rosit

Project BE CAREFUL, inilunsad ng kapulisan sa Zambales

IBA, Zambales (PIA) -- Inilunsad ng Zambales Police Provincial Office ang Project BE CAREFUL o Barangay Empowerment on Child Abuse Resistance and Elimination Fight Against Unwanted Lewd Design.
 
Magiging katuwang dito ang Technical Education And Skills Development Authority, Botolan Anti-Crime and Community Emergency Response Team, Liga ng mga Barangay, mga faith-based organization, at Philippine Information Agency.
 
Ayon kay Women and Children’s Protection Desk Provincial Chief  Police Major Noemi Diaz, ang naturang proyektong ay nagsimula sa Aurora upang tugunan ang tumataaas na kaso ng rape sa lalawigan. 
 
Sa ilalim ng Project BE CAREFUL ay magkakaroon ng Pangkat Ugnayan na binubuo ng mga kapulisan na sinanay magsagawa ng mga lektura, mga opisyal ng barangay na mangunguna sa programang ito sa kani-kanilang mga nasasakupan at mga volunteer mula sa iba’t-ibang grupo.
 
Kabilang sa magiging aktibidad ang pagbabahay-bahay upang magbahagi ng mga tips sa mga pwedeng maging biktima ng rape.
 
Paliwanag niya, lumalabas na pinakamalaki sa datos na kakilala ng biktima ang suspek at ang mga bata ang pinakatarget sa krimen na ito sapagkat wala silang kakayahang ipagtanggol ang kanilang sarili.
 
Nagpaalala naman si Diaz sa mga magulang na kilalanin at huwag hayaan na kung sino-sino ang nakakahalubilo ng kanilang mga anak. 
 
Samantala, hiniling naman ni Police Provincial Director Police Colonel Fitz Macariola ang suporta ng mga lokal na pamahalaan at komunidad upang maging matagumpay at epektibo ang Project BE CAREFUL.
 
Aniya, hindi dapat ang mga awtoridad ang maging rason kung bakit ang mga biktima ng rape ay takot bagkus dapat sila ang maging kanlungan nila kung sila ay natatakot. (CLJD/RGP-PIA 3)

Paglalagda ng Memorandum of Understanding sa pagitan ng Zambales Police Provincial Office at mga magiging katuwang nito sa Project BE CAREFUL o Barangay Empowerment on Child Abuse Resistance and Elimination Fight Against Unwanted Lewd Design. (Zambales Police Provincial Office )

About the Author

Reia Pabelonia

Information Officer I

Region 3

Feedback / Comment

Get in touch