No. of :

No. of Shares:

Currently viewed by: Marcus Rosit

DILG, nakasubaybay sa implementasyon ng Mandanas-Garcia Ruling

LUNGSOD NG CABANATUAN (PIA) -- Nakasubaybay ang Department of the Interior and Local Government o DILG sa implementasyon ng Mandanas- Garcia Ruling sa mga lokalidad.
 
Ayon kay DILG Nueva Ecija Office Carataker Local Government Operations Officer VII Ariel Espinosa, ang kagawaran ay isa sa mga inatasan upang tumutok sa implementasyon ng mga programang nakapaloob sa Devolution Transition Plan o DTP ng mga lokal na pamahalaan. 
 
Natapos na aniya noong nakaraang taon ang pagdaraos ng mga orientation-workshop para sa mga Local Government Units o LGUs hinggil sa pagbuo ng kani-kaniyang DTP. 
 
Ang ahensya din ang nakatutok sa pagbibigay ng capacity development intervention sa mga LGU upang gawin silang handa sa pagpapatupad ng mga programang galing sa mga National Government Agencies partikular ang mga pangunahing serbisyo ng gobyerno.  
 
Pahayag ni Espinosa, layunin nitong mapaunlad ang kapasidad at kakayahan ng mga LGU na tanggapin ang mga ibababang programa galing sa iba’t ibang kagawaran ng pamahalaang nasyonal.
 
Kabilang sa nilalaman ng DTP na isinumite ng mga LGU ang ilang konsiderasyon tulad ng kakayahang maipatupad ang mga programa batay sa kapasidad ng mga kawani gayundin kung sasapat ang tatanggaping pondo.  
 
Paliwanag ni Espinosa, sa pamamagitan ng magkahiwalay na petisyong isinumite sa Supreme Court nina Batangas Governor Hermilando Mandanas at dating Bataan Governor Enrique Garcia Jr. ay natukoy na hindi lamang dapat sa Internal Revenue Allotment nanggagaling ang pondo ng mga LGU kundi ay may bahagi ding dapat matanggap mula sa kita ng pamahalaang nasyonal na tinatawag ngayong National Tax Allotment o NATA. 
 
Ang pondo na galing sa NATA ay ilalaan pa din sa mga pangunahing programa, proyekto at serbisyo batay sa isinasaad ng Local Government Code. 
 
Ayon pa kay Espinosa, sa kasalukuyan ang lahat ng mga LGU ay nasa bahagi pa din ng pagsasaayos bagamat mayroon nang partial implementation ay patuloy ang pagsusuri sa bawat tanggapan upang mas mapabuti ang ugnayan hinggil sa implementasyon ng mga ibinababang programa sa mga lokalidad. 
 
Ang kagawaran aniya ay laging nakasubaybay sa mga ipinatutupad na mga programa sa lokalidad na layuning ipalaganap ang participative governance na kung saan ang lahat ng mamamayan ay dapat kasali, may bahagi sa mga programa at polisiya ng pamahalaan. (CLJD/CCN-PIA 3)

Ibinahagi ni Department of Interior and Local Government Nueva Ecija Office Caretaker Local Government Operations Officer VII Ariel Espinosa ang estado ng implementasyon ng Mandanas- Garcia ruling sa mga lokalidad. (Camille Nagaño/PIA 3)

About the Author

Camille Nagaño

Writer

Region 3

Feedback / Comment

Get in touch