LUNGSOD NG MALOLOS (PIA) -- May 83 sako ng basura ang nakolekta sa isinagawang clean-up drive ng Department of Environment and Natural Resources o DENR sa barangay Tikay sa lungsod ng Malolos.
Pinagtulungang linisin ng ahensya at mga opisyal ng naturang barangay ang irrigation system ng National Irrigation Administration bilang bahagi ng Manila Bay Cleanup and Rehabilitation Program.
Ayon kay DENR Bulacan Conservation Chief Teresita Abrazaldo, ang aktibidad ay ang lundo ng pagdiriwang ng Month of the Oceans.
Dagdag pa ni Abrazaldo, ang clean-up drive ay alay nila sa mahalagang papel ng mga “estero rangers” bilang frontliners sa pagpapanatili ng kalinisan ng lahat ng uri ng katubigan sa lalawigan.
Matapos ang paglilinis, nagsagawa din ang grupo ng house-to-house information dissemination ukol sa solid waste management.
Biinigyang diin ng DENR na mahalaga pa rin ang segregation at source at wastong pangongolekta ng basura para sa epektibong solid waste management.
Kasama rin sa nasabing clean up drive ang mga kawani mula sa Environmental Management Bureau at Community Environment and Natural Resources Office. (CLJD/VFC-PIA 3)
May 83 sako ng basura ang nakolekta sa isinagawang clean-up drive ng Department of Environment and Natural Resources sa barangay Tikay sa lungsod ng Malolos. (DENR)