No. of :

No. of Shares:

Currently viewed by: Marcus Rosit

PhilHealth-CAR, ipinaliwanag ang 4% premium contribution

BAGUIO CITY (PIA) -- Nilinaw ng PhilHealth - Cordillera na noon pang January 2022 na epektibo ang 4% monthly premium contribution pero ngayong buwan magsisimula ang pangongolekta ng ahensiya.
 
Ibig sabihin, retroactive ito kung saan, bukod sa 4% premium na ibabawas sa sweldo ng mga empleyado simula ngayong buwan ay ibabawas pa ang 1% premium na hindi nila nabayaran noong Enero hanggang Mayo ngayong taon. Maaari itong bayaran ng mga employer hanggang December 31, 2022.

Ang 4% premium rate ng mga may buwanang sweldo na P10,000 pababa ay P400, ang mga sumusweldo ng P10,000.01 hanggang P79,999.99 ay magbabayad ng monthly premium na P400 hanggang P3,200, habang ang mga sumasahod ng P80,000 pataas ay magbabayad ng monthly premium na P3,200.
 
"Effective June 2022, iko-collect na 'yung kulang from January to May. However, if you are an employed member, hindi na muna 4% ang sisingilin kasi hindi pa na-adjust 'yung system. Once the system is adjusted, sisingilin pa rin 'yung 4%," saad ni Noland Sabling mula sa PhilHealth - CAR.
 
"We are applying 'yung pangongolekta sa mga individually paying (members) natin. So kung may mga nakabayad na from January to June na 300 lang, bayadan dan to jay kulang da within the year without penalty," dagdag ng opisyal.

Si Noland Sabling ng PhilHealth-CAR sa ginanap na 1st Quarter Regional Implementation Coordination Team Meeting nitong May 31, 2022. (PIA-CAR)

Ang pagtaas ng kontribusyon ay naaayon sa Universal Health Care law na iminamandato ang pagtataas ng premium rate nang 0.5% bawat taon na magsisimula sa 3% sa 2020 hanggang sa maging 5%. Ipatutupad sana noong January 2021 ang 3.5% premium contribution hike mula sa 3% pero naantala dahil sa COVID-19 pandemic.
 
"The premium contribution is still a big part of the benefit payment that we bring back to our members that are qualified," giit ni Sabling.
 
Ang PhilHealth - CAR aniya ang pangunahing binibigyan ng subsidiya dahil mas malaki ang ibinabayad nito sa mga benepisyaryo kung ikukumpara sa nakokolekta nitong kontribusyon.
 
Nagpasalamat naman si Sabling sa pamunuan ng mga ospital dahil sinisiguro ng mga ito na nakababayad ng premium contribution ang mga pasyente bago sila pinapalabas sa ospital.

"Maraming-maraming salamat po sa tulong ninyo para ma-sustain po namin 'yung pondo for the continuous payment of the benefits of our members," sabi ni Sabling.
 
Inilahad nito na mahalaga ang pagbabayad ng premium contributions para sa financial protection ng mga miyembro lalo na ang mga hindi kayang magbayad ng serbisyo medikal.
 
Sa ngayon ay may 'no balance billing' o zero co-payment sa mga pagamutan na accredited ng PhilHealth pero pinag-aaralan umano ng ahensiya ang pagpapatupad ng co-payment sa hinaharap. (DEG)

About the Author

Jamie Joie Malingan

Regional Editor

CAR

Feedback / Comment

Get in touch