DAET, Camarines Norte, Hunyo 3 (PIA) – Tampok sa isasagawang motorcade bilang kick-off activities ng mga distritong piitan sa bayan ng Daet at Labo ang “Sakay sa tagumpay” ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP). Ito ay nakatakdang gawin sa Sabado, Hunyo 4.
Kaugnay ito ng ika-11ng taon na selebrasyon ng Community Relations Service (CRS) Month ng BJMP na may temang “Changing lives, building a safe nation” ngayong buwan ng Hunyo.
Sa pag-uumpisa ng pagdiriwang ay isinabit ang tarpaulin sa kanilang mga tanggapan bilang hudyat ng panimula ng selebrasyon.
Sa naturang araw ay gaganapin ang Zumba na dadaluhan ng ibat-ibang ahensiya. Magsasagawa din ng clean-up drive sa dalampasigan ng Barangay Bagasbas sa bayan ng Daet.
Kahapon, Hunyo 2 ay nagkakaroon ng programa sa radyo ang mga Community Relations Officers ng BJMP na pinangunahan nina JO2 Karen Kaye Acal-Elnar ng Daet District Jail at JO1 Mark Francis I. Acal ng Labo District Jail.
Ayon kay BJMP Jail Senior Inspector Vargas Jr., nagpapasalamat ang pamunuan ng BJMP sa mga ahensya na sumusuporta sa kanilang mga gawain at aktibidad kaugnay ng pagdiriwang ng CRS month.
Aniya, patuloy na ipinapakita ng BJMP ang mga serbisyo na hindi lamang para sa mga Persons Deprived of Liberty (PDL) kundi pati na rin sa komunidad para malaman nila na ang kulungan ay hindi libingan ng mga buhay bagkus isang tahanan ng pagbabago.
Isa sa mga layunin ng BJMP ay mailapit ang mga serbisyo ng kawanihan sa komunidad kaya tuwing buwan ng Hunyo ay ipinagdiriwang ang CRS Month upang ipakita na ang BJMP ay hindi lamang nakatuon sa piitan bagkus sa pakikipag-ugnayan rin sa komunidad. (PIA5/Camarines Norte/ ulat mula sa tanggapan ng BJMP)